Default Thumbnail

Shakey’s Pizza, Lungsod ng Maynila lumagda sa kasunduan

August 12, 2022 Edd Reyes 239 views

Para bigyan trabaho ang PWDs, senior citizens

SA pagnanais na mapataas ang bilang mga matatanda at mga may kapansanan na magkaroon ng hanapbuhay, pumasok ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa isang kasunduan sa bantog na “pizza chain” na Shakey’s Pizza Asia Ventures.

Kasama ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan si Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto sa paglagda sa kasunduan o MOA (Memorandum of Agreement) sa pagitan nila at ng Shakey’s Pizza na kinatawan naman ni Human Resource (HR) Shared Services Head Alex Merano na ginanap sa mismong tanggapan ng alkalde sa Manila City Hall.

Sa ilalim ng naturang kasunduan, magkakaroon ng layunin ang Shakey’s na tumanggap ng senior citizens at isang person with disability (PWD) bilang kanilang kawani sa lahat ng kanilang sangay na nasa loob ng Lungsod ng Maynila bilang pagtataguyod sa pantay na oportunidad sa trabaho.

Sinabi ni Mayor Honey na ang programa ng Pamahalaang Lungsod ay isinulong noon pa ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bago pa mangyari ang pandemiya kung saan mahigit 100 ng mga senior citizen at PWDs ang nabigyan ng oportunidad na magkaroon ng trabaho upang makatulong sa mga gastusin ng kanilang pamilya.

“Ang mga seniors natin kayang-kaya pa nila, very willing and able pa ang ating mga seniors and persons with disability,” pahayag ni Mayor Honey.

“Hopefully po in the future madagdagan po natin iyong mga seniors na ma-accommodate po ninyo,” dagdag pa niya.

Sa panig naman ni Merano, sinabi niya na handa silang suportahan ang layunin at inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod para maging pantay ang oportunidad sa pagkakaroon ng hanapbuhay.

Ayon naman kay Public Employment Service Office (PESO) Director Fernan Bermejo, maaaring magtungo ang mga senior citizen at PWDs na nagnanais mag-apply ng trabaho sa kanilan punong tanggapan sa Park N Ride building sa Ermita, Manila.

AUTHOR PROFILE