Shabu nakuha sa duguang lalaki sa QC

November 30, 2021 Melnie Ragasa-limena 93 views

NAREKOBER ang dalawang sachet ng shabu sa bulsa ng isang lalaki na natagpuang duguan at may tama ng bala ng baril sa likuran ng leeg sa kalsada sa Brgy. Old Balara, Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.

Inilarawan ang biktma na nasa edad 40-45, may taas na 5’2, medium built, nakasuot ng sky blue sleeve shirt, khaki, at may mga tattoo na “TATA, EDDY, LANIE, at LEONARDA” sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nadiskubre ang bangkay ng biktima bandang 1:05 ng madaling araw (November 30), sa Samonte St., harapan ng Blue Garden Wedding and Events Venue, sa Brgy. Old Balara, Quezon City.

Ayon kay PCpl Jerome Mendez, nakita umano ng Food Panda delivery rider ang biktima na nakabulagta sa kalye at inakalang inatake sa puso kaya inimpormahan niya ang isang nakilalang Felimon Delos Reyes Gayon Jr., na residente sa lugar.

Agad namang inireport ni Gayon sa pulisya ang insidente at saka lamang nadiskubreng may tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa likod ng leeg ang lalaki.

Nakasamsam ang SOCO Team sa pamumuno ni PLt. Michael Jabel sa bulsa ng biktima ng dalawang sachet ng shabu.