Shabu

Shabu ginawang ‘bra pad, panty liner’

October 4, 2023 Melnie Ragasa-limena 139 views

NADISKUBRE ng pulisya ang mga pakete ng shabu na itinago sa maseselang bahagi ng katawan, matapos na kapkapan ang dalawang babae na nahuli sa buy-bust operation.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Station 3 Commander PLt. Col. Morgan B. Aguilar ang mga dinakip na isang 28-anyos na babaeng taga-Barangay Sangandaan sa QC at isang 24-anyos na taga-Bgy. Botocan, QC.

Kasama ring nahuli ng dalawa ang isa pa na residente naman ng Caloocan City.

Ayon kay PCpl. Erwin Estrera Cordero, hinuli ang mga suspek sa Bgy. Sangandaan sa QC dakong 11:30 ng gabi ng Lunes, habang nagsasagawa ng anti-illegal drug operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Talipapa Police Station 3 sa pamumuno ni PCapt. Elvin B. Olmedillo, chief ng SDEU.

Isang pulis ang nagpanggap na poseur buyer at bumili ng halagang P200 na shabu.

Nang magkapalitan, agad na dinakma ng mga awtoridad ang nagbentang suspek.

Kinapkapan ni PSSg. Melody Fatima Cabanilla ang babae at nakuha pa ang ilang droga sa loob ng bra nito.

Sa gitna ng isinasagawang police operation ay dumating ang dalawang indibiduwal sa lugar na hinihinalang parokyano rin ng suspek.

Sumailalim din sa body frisk ni Cabanilla ang isang suspek at nakuha sa maselang bahagi ng katawan nito ang ilegal na droga, habang kinalawit din ang kasama nito.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa naturang himpilan ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.