SFMR pinangunahan pamimigay ng ayuda
Sa ilalim ng Handog ng Pangulo
PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang Kamara de Representantes sa pagdiriwang ng ika-67 kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng sabayang paglulungsad ng “Handog ng Pangulo,” isang nationwide distribution ng cash assistance sa mga nangangailangang Pilipino na bahagi ng pangako ng administrasyon na “Serbisyong Sapat Para sa Lahat.”
“President Bongbong Marcos’ deepest desire is to serve and help every Filipino, ensuring that government support reaches those who need it most,” ani Speaker Romualdez.
“On his 67th birthday, the simultaneous distribution of assistance to 287,000 beneficiaries across the country once again proves that ‘Serbisyong Sapat Para sa Lahat’ is not just a vision, but a reality,” dagdag pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias P. Gabonada Jr., 287 lugar ang nakiisa sa pamamahagi ng tig-P5,000 tulong pinansyal sa may 1,000 benepisyaryo sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kabuuan, ayon kay Gabonada, nakapagpaabot ng P1.5 bilyong halaga ng cash assistance sa mga benepisyaryo, isang malaking tulong sa mga bulnerableng sektor ng lipunan.
Sinabi ni Gabonada na sinimulan ng mga miyembro ng Kamara ang pre-program activities umaga ng Biyernes.
Alas-9 ng umaga naman nagsimula ang main program kung saan ipinalabas ang kuha mula sa kinaroroonan ni Pangulong Marcos sa iba’t ibang lokasyon sa pamamagitan ng Zoom.
Nagkaroon ng maayos na koordinasyon ang mga lugar upang matiyak na masasaksihan ang event at mararamdaman ang tulong na ipinamigay sa kaarawan ng Pangulo.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang mas malawak na kahalagahan ng selebrasyon ng “Handog ng Pangulo” na nagpapakita ng dedikasyon ng administrasyong Marcos sa pagbibigay ng agarang tulong at tunay na serbisyo sa mga higit na nangangailangan.
Binanggit din ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng direktang paghahatid ng tulong sa mga tao at ang pagtiyak na nadarama ng bawat Pilipino ang benepisyo ng mga programa ng gobyerno.
“This event showcases the power of unity and reflects the government’s unwavering dedication to serving the Filipino people. Under President Marcos’ leadership, we will continue to work toward providing genuine support and services that benefit all Filipinos, ensuring no one is left behind,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.