Hontiveros

‘Sex, rape, orgy cult’ ibinunyag!

September 18, 2023 PS Jun M. Sarmiento 87 views

ISANG umano’y kulto sa Surigao del Norte ang ibinulgar ngayong Lunes, Setyember 18, sa isang privilege speech ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros na nagsabing isang libong kabataan ang kasalukuyang nasa kamay ng mga ito na dumadanas ng pang-aabuso tulad ng rape, sexual violence, child abuse, at sapilitang pag-aasawa at pakikipagtalik ng mga menor de edad kasama na ng kanilang ama at ina.

Ayon kay Hontiveros, chairperson ng Senate committee on women and children, hindi maaaring palagpasin ang ganitong uri ng grupo na bumibiktima sa napakaraming tao.

“It is a matter of grave urgency that I am afraid could not be postponed. This is a harrowing story of rape, sexual violence, child abuse, forced marriage perpetrated on minors by a cult,” pagbubulgar ni Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, unang nakilala ang grupo bilang bayanihan o pagiging civic organization na nagsusulong ng bayanihan sa isang munisipyo sa Surigao del Norte.

“Ngunit noong 2017 ay nag-iba ang hugis at anyo ng organisasyon na ito. Nagsimula ang kulto noong may 17-taong gulang na bata na ginawa nilang susunod na umanong tagapagligtas. Ang lider daw ang susunod na Messias. Siya daw ang Bagong Hesus. Siya daw ang magliligtas sa kanila,” pagsisiwalat ni Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, sinamantala umano ng nasabing kulto ang mga tao matapos yanigin sila ng lindol noong Pebrero 2019. Hinimok umano ng kulto ang mga tao upang umakyat sa bundok na tinawag nilang Kapihan at sinabing ito ang daan tungo sa langit at ang hindi sasama ay masusunog umano sa kumukulong impiyerno.

Nagkaroon ng mass exodus kung saan maraming mga mag-aaral, ilang guro at ilang propesyonal, gayundin ang pami-pamilyang nahikayat na umakyat at sumama at tahasang nakumbinse ng grupo dahil sa takot.

Sa itaas ng bundok umano nagaganap ang walang humpay na rape sa mga kabataan gayundin ang sapilitang pagpapakasal ng mga nanay sa ibang lalaki, pagpapalitan ng asawa, sapilitang pakikipagtalik sa kung sinumang lalaki ng mga batang babae at maraming pang pang-aabuso na ibinulgar ng dalawang batang tinawag sa Senado bilang si Jane, 15, at Chloe, 15.

Ayon sa isang miyembrong tumiwalag na tinawag na lamang sa pangalan na Renz, ang grupo ay armado ng matitinding baril at delikado para sa mga nagtatangkang tumiwalag o tumakas dahil sako-sako umano ang iba’t ibang armas na meron ang mga ito.

Ang pera, ayon sa rebelasyon ng mga saksi, ay kinukuha sa 50 porsiyento ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng mga miyembro, gayundin ng maraming senior citizen na kaanib nito lalo’t noong panahon ng pandemya.

Gayundin, ang mga Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers or TUPAD at Assistance to Individuals in Crisis SituationAssistance to Individuals in Crisis Situation o AICS na pera ng taumbayan ay kinukuhang pilit ng nasabing kulto sa kanilang mga miyembro sa ayaw at sa gusto nila.

Ibinulgar din na bukod dito ay ang ilegal na droga ang pinakamalaking pinagkukuhaan ng pera ng kulto at ang nasabing organisasyon ay ginamit na human shield dahil nailagay sa narco lists ang pasimuno ng organisasyon.

“In July of this year, may walong bata po na nakatakas na sa kulto at nasa kanlungan ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) at LGU (local government unit). Nagbuo ng Task Force para gumawa ng aksyon laban sa kultong ito. Ngunit gamit ang kanilang pera at impluwensya, kinakasangkapan po nila ang mga magulang na miyembro pa nila at nagsasampa po sila ngayon ng Habeas Corpus na mga kaso para maibalik ang mga bata sa kulto,” dagdag pa ni Hontiveros.

Iminungkahi ni Hontiveros ang agarang pakikialam ng pamahalaang nasyonal, partikular ang Senado at iba pang awtoridad, upang ipahinto ang mga iligal na aktibidad ng grupo.