Seth trinatrabahong maging GF si Francine
Inamin ni Seth Fedelin na trinatrabaho niya ngayon na maging sila ng ka-loveteam na si Francine Diaz.
Sinabi ito ng aktor sa mediacon ng first movie nila na “My Future You” ngayong hapon sa 38 Valencia Events Place.
Walang takot na ipinakita ng FranSeth sa entertainment press ang kanilang pagho-holding hands kaya naman hindi maiwasang isipin ng lahat na sila na nga.
Pero ayon sa dalawa, hindi pa sila. Sey ni Seth, nasa stage pa lang siya na kinukuha niya ang tiwala ni Francine at ng mga magulang nito.
Tahasan ding inamin ng aktor na si Francine na ang wish niyang maging ‘future.’
“May isang pangako lang ako na dapat kong tuparin – ‘yung pangako ko sa magulang ni Francine,” sey ni Seth.
Paliwanag pa niya, “Alam naman po natin na hindi biro ang samahan namin. Hindi biro na bawiin ang tiwala ng mga magulang ni Francine. Hindi po biro ang pinagdaanan ko na makaabot ulit dito. Na nahahawakan ko ‘yung kamay ni Francine.”
Gusto rin daw niyang maramdaman ni Francine na totoo lahat ang kanyang sinasabi.
“’Yun na lang ang kailangan kong gawin para masabi ko na nandito na siya. So, anong kailangan ko? Lakas ng loob, paninindigan, tapang and respeto, pagmamahal.
“At ‘yun ang mga bagay na hindi mo makukuha ng isang araw, isang buwan,” sey pa ni Seth,
Dagdag pa niya, “Kasi malaking pogi points kapag kakampi mo ang magulang, eh. Malaking pogi points kapag mahal ako ng magulang.”
Nahingan naman ng reaksyon si Francine sa sinabing ito ni Seth at sey ng aktres, “Totoo po, kung nasaan kami ngayon, hindi po namin ‘yun minadali talaga.”
Agree rin siya sa sinabi ni Seth sa mahihirap nilang pinagdaanan.
“Kung pwede lang talaga, kung kaya naming ma-explain lahat ng napagdaanan po namin para makapag-holding hands kami.
“Ako po, grateful po ako na mayroon akong Seth sa buhay ko. Hindi po kasi biro ‘yung bigyan ka ng Diyos ng someone na matatawag mong best friend,” pahayag ni Francine.
At this point ay naging emosyonal ang aktres at napatigil sa pagsasalita.
Sinalo naman siya ni Seth at sinabing “Hindi talaga biro. Alam naman po natin ‘yan, lala na nu’ng mga nakaraan. Hindi po biro na makuha ang tiwala ng mga magulang ni Francine at ni Francine.
Sobra ko pong ginalingan. Alam ko kulang pa, alam ko, meron pa ‘kong kayang magawa, alam ko na meron pa ‘kong kayang ibigay.”
Sabi pa ng aktor, “Kapag tinatanong kami, ‘kayo na?’, hindi po biro guys, hindi po biro na maging kami agad.”
Trinatrabaho pa raw niya para maging sila na ni Francine at mukhang matagal pa niya itong tatrabahuhin pero hindi siya nagmamadali.
Sapat na raw ngayon sa kanya ‘yung pinapayagan siya ng magulang ni Francine na ihatid-sundo sa school ang dalaga.
Pangako pa ni Seth ay hinding-hindi niya sisirain ang tiwala sa kanya ng ka-loveteam at ng magulang nito.
Samantala, masaya naman ang FranSeth na finally ay mayroon na silang first movie, ang romantic-fantasy-dramedy na “My Future You,” na isa isa official entries sa 50th Metro Manila Film Festival at bahagi rin ng Regal Entertainment’s 60th anniversary celebration.
Mula sa direksyon ni Crisanto Aquino, magbubukas ang “My Future You” sa mga sinehan sa Disyembre 25.