
Seth bet maging bad boy, sumabak sa aksyon at mag-improve ang Ingles
MATAPOS magwagi ng Breakthrough Performance award at ma-nominate bilang Best Actor para sa “My Future You,” ang 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng Regal Entertainment, full tank ang pakiramdam ni Seth Fedelin at ganado na muling magtrabaho.
Ngayong 2025, plantsado na ang bago niyang proyekto sa Kapamilya network. Ito ay ang “Nobody,” kung saan makakasama niya sina Gerald Anderson, JC de Vera, RK Bagatsing, Francine Diaz at marami pang iba.
Ayon kay Seth, kasalukuyan pang kinukumpleto ang cast ng serye pero hopefully ay makapag-shoot na sila very soon.
Ang “Nobody” bale ang ika-apat na pagsasama ng FranSeth kasunod ng “Dirty Linen,” “Fractured” at “My Future You.”
Sa “Spotlight” presscon na ibinigay ng Star Magic kamakailan, ibinahagi ng aktor na although bet niya talagang genre ang drama, gusto rin niyang subukan ang pagiging “bad boy.”
Maliban diyan, gusto rin niyang sumabak sa action, ’yung tipong bida pero bad boy ang karakter.
Kasi nga raw, kadalasan ay good boy roles ang pino-portray niya on screen. Kaya challenge para sa kanya ’yung tipo ng karakter na maginoo pero maangas.
Nang tanungin kung handa na ba siyang gumawa ng proyektong wala si Francine, diretsahang sagot ni Seth, “Para sa’kin, lagi namin ‘tong pinag-uusapan ni Francine. At the end of the day, si Francine, pumasok sa ABS as Francine. Ako rin naman po as Seth. Lagi namin pinag-uusapan, masasabi ko na si Francine, eh, napaka-supportive sa ‘kin, siya laging nagbo-boost sa akin sa pagiging aktor ko at nagiging wais din siya sa mga project. Kasi sa pagiging aktor din po kasi, kailangan, ikaw ‘yon, eh, kailangan mong paghandaan. ‘Pag ‘di gamay, ‘di isasabak sarili ko du’n, ako rin mapapahiya. Craft ko ‘yon. Ngayon na natapos namin ang ‘My Future You,’ kung okay kami na tumanggap (ng solo projects), yes, suportado namin ang isa’t isa.”
Naaliw naman ang press sa isa pang wish ni Seth at ito ay ang mag-improve sana ang kanyang pag-i-Ingles.
Anang binata, hindi siya lumaki na naririnig ang mga salitang Ingles kaya hirap siyang magsalita o mag-express ng sarili rito.
Minsan nga raw, tinuturuan pa siya ni Francine mag-English kapag magkausap sila.
“‘Yun ang pinag-aaralan ko,” cute na kwento pa ni Seth, “kaya nanonood din ako ng mga pelikula na Ingles, mga series, mga ganu’n. Naa-adapt mo pati accent nila.”