Seryosong hakbang kontra Deepfake
HINDI tayo teki!
Wala rin tayong kaalaman patungkol sa lalim ng tekonolohiya sa cellular phones at anumang uri ng computer.
Katunayan hanggang ngayon ay pinapakisuyo pa natin sa mga ‘maaalam’ na tao ang mga gawain kung may kinalaman sa pagiging ‘high tech ng technology.’
Mayroong usung-uso ngayon na software!
Ito iyong tinatawag na Deepfake na puwedeng gawing peke ang hitsura ng anumang tao.
Nagagawa ito hindi lamang sa still photos, kundi maging sa video na rin.
Kahit sino ay maaaring gawan ng Deepfake.
Kaya nga kung mayroong isang high-tech na tao na marunong gumawa ng Deepfake, madali na para sa kanila ang manira ng kanilang kapwa.
Hindi malayong magamit na rin ito sa krimen o identity theft dahil sa pamamagitan lamang ng Deepfake, kahit ang mahahalang dokumento ng isang personalidad ay kayang-kaya nilang maniobrahin.
Kahit isang pekeng sex video ay kaya ng Deepfake at vulnerable sa aspetong ito ang lahat ng tao, hindi lamang ang mga kilalang personalidad kundi maging ang mga mahihirap nating kababayan — higit lalo ang mga kababaihan o pamilyadong tao.
Sa puntong ito, nais nating manawagan sa pamahalaan, partikular na ang Department of Information and Communications Technology (DICT).
Na sana sa mga panahong ito ay magkaroon na ng malinaw na hakbang ang DICT upang masugpo ang posibleng malaking problema na ibubunga ng nauusong Deepfake.
Importanteng pagtuunan nila ng pansin kung paano pa makokontra ang ganitong uri ng teknolohiya na malamang sa malamang ay magamit ng masasamang elemento ng lipunan.
Dapat ay magkaroon din ng matapang na batas upang maparusahan ang gagamit nito sa masamang paraan.
Dapat din ay tukuyin at kilalanin ng pamahalaan kung anu-ano ang mga ‘credible software’ na maaaring makapag-validate o ‘authenticate’ kung AI generated lamang ang isang Deepfake video, photos o documents.
Dahil kung mismong DICT ang kikilala nito at magbibigay babala sa taumbayan, kahit papano ay malalaman natin nang maaga kung alin ang totoo ngayon o alin lamang ang likha ng Deepfake.