SERBISYONG TAMA MAS PINALAWAK
TULOY-TULOY ang Serbisyong Tama nina Gob. Ramil Hernandez ng Laguna at ng maybahay niyang si Rep. Ruth Hernandez ng 2nd District, partikular sa pagtityak ng pagbibigay ng maayos at dekalidad na public health care service system sa kanilang lalawigan.
Ito ay matapos palawakin pa ang benepisyong kaakibat ng Serbisyong Tama Health Card Program o mas kilala sa tawag na blue card, na isa sa mga pangunahing programa ng panlalawigang pamahalaan sa ilalim ni Gob. Hernandez.
Dahil dito ay inaasahang libo-libong mga residente ng Laguna, lalo na iyong nasa hanay ng mahihirap, ang higit pang makikinabang sa mas pinalakas na serbisyong medikal na hatid ng mas pinaigting na public health care service system sa ilalim ng blue card program.
Ang pagpapalawak ng benepisyo ay bilang tugon sa tumataas na pangangailangang medikal at hospitalisasyon sa probinsya lalo’t higit ng mga kapus-palad na residente ng Laguna.
Sa ilalim ng mas pinaganda at pinaunlad na programa, lahat ng blue card holder ay maaari nang magpakonsulta at magpagamot ng libre kahit saan sa hindi bababa na siyam na pagamutang pambayan sa lalawigan.
Maliban sa hospitalisasyon ay libre na rin ang mga gamot ng mga benepisaryong card holder.
Ang siyam na ospital ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna kung saan maaaring lumapit ang mga pasyente ay ang Laguna Medical Center sa Sta. Cruz; mga provincial hospitals na kinabibilangan ng San Pablo District Hospital, J.P. Rizal Memorial District Hospital sa Calamba City at Gen. Cailles Memorial District Hospital sa bayan ng Pakil; Nagcarlan District Hospital; Luisiana District Hospital; Majayjay District Hospital; Bay District Hospital; at San Pedro District Hospital.
Kung sakali namang sinawing-palad na hindi makaligtas sa kanyang sakit ang blue card holder, o di kaya ay nasawi sa aksidente, kalamidad o katandaan, magagamit pa ring dagdag na benepisyo ang blue card para makakuha ng burial assistance ang kanyang mga naulilang mahal sa buhay.
Ang lahat ng mga lehitimo at rehistradong botante ng Laguna na may edad 18 taong gulang pataas, nasa wastong pag-iisip at nabibilang sa mahirap na pamilya ay maaaring maging miyembro ng Serbisyong Tama Health Card Program.
Nauna rito ay matatandaang nagbunga ang pagsisikap at adbokasiya ni Rep. Hernandez na magkaroon ng sariling regional hospital sa kanilang lalawigan na kanyang isinulong sa Kongreso simula pa noong 2019, o limang taon na ang nakararaan.
Ito ay matapos na tuluyang maisabatas at pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Nobyembre ang Republic Act 12071, “An Act Establishing in the Municipality of Bay, Province of Laguna, A Level 3 General Hospital To Be Known as Laguna Regional Hospital”.
Ipinaliwanag ni Rep. Hernandez na ang Laguna Regional Hospital ay katulad ng Batangas Medical Center o PGH, kung saan ang kanyang hangarin ay mapalawak ang access sa serbisyong medikal at pangkalusugan ng mga mamamayan sa kanilang lalawigan at maging ng mga taga kalapit probinsya.
Sinabi ni Rep. Hernandez na principal author ng batas na inaasahan niyang agarang makapagbibigay ng serbisyong medikal ang pagamutan sa pamamagitan ng P150 milyong inisyal na pondo, habang itinatayo ang kabuuan ng Laguna Regional Hospital.
Itinuturing din niyang tagumpay ng bawat isang Lagunense ang pagkakaroon ng isang regional hospital sa kanilang lalawigan dahil hindi na nila kailangang magtungo pa sa ibang lugar para magapamot ng kanilang mga karamdaman.