Default Thumbnail

Senglot utas sa driver

July 9, 2023 Gil Aman 924 views

PATAY ang isang mangangalakal matapos tamaan ng bala habang sugatan ang kanyan kasama matapos barilin ng jeepney driver na kanilang hinarangan ng daan noong Sabado sa Bgy. Kay-Anlog, Calamba City, Laguna.

Kinilala ni OIC Police Lt. Col. Marilyn Martirez, hepe ng Calamba City police, ang nasawi na si Jaypee Guadalupe.

Namatay si Guadalupe matapos tamaan sa mukha ng bala mula sa 9MM gun na gamiti nang tumakas na suspek.

Nakaligtas naman sa kamatayan si Joshua Estrelles, ang kasama ng biktima sa pagharang sa suspek.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ang suspek na kinilala ng pulisya na si Leonardo Vinadas Sr.

Ayon sa imbestigasyon ng Calamba City police, naganap ang pamamaril sa dalawang biktima dakong alas 5:21 ng hapon.

Nabatid na tinangkang harangin ng 2 biktima ang jeep ng suspek (DBR-189) sa Block 7 main road Southville 6, Bgy. Kay-Anlog.

Dagdag ng pulisya na parehong lasing ang dalawa nang harangin ang jeep na siyang pinalalagay na dahilan kaya binaril ng suspek.

Ayon naman kay Lt. Col Martirez, tukoy na ng kanilang imbestigador ang kinaroroonan ng suspek upang agad itong madakip.

Sasampahan ng homicide ang suspek kapag siya’y naaresto, ayon sa mga pulis.

AUTHOR PROFILE