Default Thumbnail

Senglot nalunod sa Antipolo resort

May 15, 2023 Jojo C. Magsombol 286 views

ISA umanong “lasing” na lalaki ang nalunod sa swimming pool ng isang resort sa Sitio Payong, Barangay Dalig, Antipolo City, Rizal, ayon sa ulat ng pulisya.

Ayon sa Antipolo police, ang nasawi ay ang isang 65-anyos na lalake.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima ay nagtungo sa resort na sinasabing lango diumano sa alak at naupo sa hagdanan ng swimming pool sa ilalim ng lifeguard tower.

Makalipas ang ilang minuto, napansin ng isang lalaking naglalakad malapit sa pool ang biktima na nasa ilalim ng pinakamalalim na bahagi ng pool na tinatayang nasa lalim na 4-5 ft. level at tila wala ng buhay.

Mabilis na humingi ng tulong ang nakasaksi sa duty lifeguard at agad na ini-ahon mula sa tubig ang biktima.

Agad na isinugod ang biktima sa Rizal Provincial Hospital System Annex II, sa Bgy. Dalig, Antipolo City subalit bandang alas 7:15 ng hapon (Mayo 14) ay idineklara ng attending physician na pumanaw ang biktima dahil sa acute respiratory failure, pulmonary edema, malapit sa pagkalunod.

Dinala ang bangkay ng biktima sa Sarte’s Funeral Services para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE