posas

Senglot na parak nanapak yari sa sangkatutak na kaso

June 3, 2024 Melnie Ragasa-limena 431 views

PATUNG-patong na reklamo ang kinakaharap ng isang lasing na pulis na nanakit umano ng kanyang ka-barangay noong Linggo sa Quezon City.

Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) si PSSg Carlo Samson Creencia, 41, nakatalaga bilang mobile patroller ng Makati City Police Station at residente ng Brgy. Payatas-B, Quezon City.

Nangyari ang insidente pasado alas-7:00 ng gabi nang nakaharap ng pulis si Ma. Cynthia Demecillo, 59, na nag-iigib malapit sa basketball court.

Tinanong ng pulis si Demecillo kung sino ang dapat kausapin sa basketball court pero hindi pinansin ng babae dahil lasing ang pulis. Doon na sinundan ng lasing na pulis si Demecillo.

Agad na inireklamo ni Demecillo ang insidente sa Barangay Anti-Crime Volunteer na tumawag naman sa Hotline 122.

Kasunod noon, nasa basketball court din ang isa pang biktima na si Jeffrey Caber para sa isang event nang lapitan ng suspek at bigla na lang sinuntok.

Umalis na lang si Caber para maiwasan ang mainitang pagtatalo. Rumesponde sina Pat. John Patrick Talantor at Pat Daniel Tablan at inaresto ang kanilang kabaro.

Kinumpiska ng QCPD-CIDU ang baril ng suspek na 9mm pistol, Glock 17, Gen at inihahanda na ang kasong paglabag sa Art. 266 (Physical Injury) at Art. 287 (Unjust Vexation) laban sa kanya.