Default Thumbnail

Senator Robin: Transparency at accountability sa Maharlika Fund

March 27, 2023 Marlon Purification 346 views

Marlon PurificationSUSUGAN natin ang sinabi ni Senator Robin Padilla na dapat matiyak sa paghawak ng Maharlika Investment Fund ay ang ‘transparency’ at ‘accountability’ o pagtiyak na mabibigyang parusa ang sinumang magsasamantala rito.

Sa isang panayam, iginiit ni Padilla na pagod na siya na makitang ang mga nasa likod ng kapalpakan ng paghawak ng pondo ng taumbayan ay hindi nakukulong kahit nabuking na sila sa imbestigasyon.

“Dito sa pagkakataong ito, No. 1 transparency. Alam ng tao kung saan pupunta ang pera. At sinong pumalpak dito, dapat makulong. Hindi ito pwedeng sorry lang kasi pera ng taumbayan ito,” anang senador.

“Ako sawang sawa na ako na pag may dinadala sa Senate Blue Ribbon Committee, laging sorry, walang nakukulong, walang nag-resign,” dagdag niya.

“Kailangan may accountability and transparency. Kasi pera ng tao ito. Tandaan ninyo, DBP, LBP, pera ng tao ito. Hindi ito pera ninuman,” iginiit ng mambabatas.

Ipinunto rin ni Padilla na bagama’t ang Maharlika Fund ay makaaakit ng foreign direct investments (FDI), kailangan pa ring amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas upang matiyak ang pagpasok ng ganitong kapital.

Aniya, ito ang dahilan kung bakit tuloy ang kanyang pagsikap para amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas sa pamamagitan ng constituent assembly (Con-Ass), at iparatipika ito sa pamamagitan ng plebisitong isasabay sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.

Dagdag ni Padilla, umaasa pa rin siya na hindi “dead end” ang aabutin ng kanyang adbokasiya.

“Magiging dead end lang ito pag tinanggal nila ako as chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes. Pero hangga’t hindi ako tinatanggal tuloy tuloy ito. Malaki ang aking paniwala with the help of God Almighty naniniwala ako na naintindihan nila na kailangan na ng amendment sa economic provision lang,” aniya.

“Talagang evolving, ganoon po talaga ang Constitution. Ang Constitution kailangan buhay di yan patay. Ang Constitution na patay walang mangyayari sa bansa natin,” dagdag niya.

Dahil dito, nagpahayag din ng papuri at pagkilala si Senador Padilla sa pamunuan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagiging bukas ng Kamara na nararapat amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas.

“Isang malalim na pagpupugay at pasasalamat sa Pinunong Higit ng Malaking Kapulungan,” ang aktor na mambabatas.

Ang pahayag ni Speaker Rep. Romualdez ay isang malinaw na hudyat upang tapusin na ng aking komite sa Mataas na Kapulungan ang Committee Report at ipakalat na po ito sa ating pamunuan at sa mga mahal na senador.