Senate race 2025
ITO na marahil ang pinamasikip na eleksyon para mga senador.
Maraming maglaban-laban, 12 lang ang upuan.
May mga matatapos na ang termino pero puwede pa sa reeleksiyon kaya kailangan nilang kumandidato upang makabalik sa Senado.
Sa ganitong kaaga, marami na ang pumoporma,marami na rin ang nagbubuo ng grupo para sa kanilang pagtakbo.
Gaano nga ba kasikip ang 2025 senatorial race? Ito iyong parang isang maliit na butas ng tunnel pero magpapasok ka ng malaking-malaking bato! Imagine, iyong isang karayum na pinapasukan mo ng manipis na lubid!
Pitong incumbent senators ang releectionist sa 2025. Kabilang dito sina Senators Francis ‘Tol’ Tolentino, Ramon Bong Revilla, Ronald Bato dela Rosa, Bong Go, Imee Marcos, Lito Lapid at Pia Cayetano.
Ang mga term-ender naman na hindi na puwedeng kumandito ay sina Senators Sonny Angara, Cynthia Villar, Grace Poe, Koko Pimentel at Nancy Binay. Ibig sabihin, lima ang bakanteng puwesto, plus iyong pito na makakabante ng magrereeleksiyon.
Ang lalong magpapasikip sa 2025 Senate race ay ang planong pagtakbo ulit nila former Senate president Tito Sotto, former senator Ping Lacson, former senator Ralph Recto, former senator Franklin Drilon, former senator Kiko Pangilinan, former senator Manny Pacquiao, former senator Dick Gordon at former senator Gringo Honasan.
Mula naman sa labas ng Senado, may mga umuugong na tatakbo rin sina former vice president Lenie Robredo, former Manila mayor Isko Moreno, former QC mayor Herbert Bautista, Doc Willy Ong, ACT CIS Partylist Congressman Erwin Tulfo, Defense Secretary Gibo Teodoro at DILG Secretary Benhur Abalos.
May nauna ring balita na kakandidato sa Senado si DSWD Secretary Rex Gatchalian pero nang tanungin natin siya ukol dito via text, sinabi niyang hindi siya tutuloy.
May source din tayo na sinasabing sina Las Pinas Congresswoman Camille Villar at Makati Mayor Abby Binay ay may balak ding kumandidato sa pagkasenador.
Marami pang senatorial aspirants ang hindi pa lumulutangl, sa tingin natin, mga lima hanggang pito pa silang nag-iisip.
Kapag kukuwentahin natin ang legitimate candidates sa Senate 2025 race, pitong incumbent, walong former senators, pitong formidable candidates at lima hanggang pito pa from the outside.
Huwag na natin ibilang ang mga usual candidates na palagi namang nadedeklarang nuisance ng Comelec.
Ibig sabihin, nasa 29 senatorial candidates ang maglalaban-laban sa 12 seats. Hindi pa natin naikukunsidera rito sina former senator Bam Aquino at former senator Leila de Lima na posible ring sumubok ulit kumandidato.
Sa totoo lang, lamang sa labanang ito ang incumbent senators. Pero hindi mo rin matatawaran ang tiyansa ng mga comebacking na former senators dahil malalaki ang kanilang mga pangalan.
Kahit malakas at lamang ang mga reelectoinists, nakikita nating hindi pa rin sila nagkakapante dahil mas lalo silang nagsisipag para hindi makasingit ang mga aspirante.
Mas magiging matindi pa ang kanilang mga kilos sa mga susunod na araw para iyong 2024 preparation year ay mas maging madali sa kanila ang galawan.
Maaksiyon ito. Abangan ang mga susunod na kabanata.