
SENATE PROBE SA RAPE CASES NI QUIBOLOY
PAHAHARAPIN ng Senado ang kontrobersiyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy upang magpaliwanag at bigyang linaw ang mga alegasyon sa kanya at sa kaniyang simbahan, kaugnay umano ng mga krimen tulad ng diumano’y malawakang human trafficking, rape, sexual abuse at violence against women and children.
Sa Senate Resolution No. 884 na inihain ni Senadora Risa Hontiveros, si Quiboloy na kilala sa taguring “anak ng Diyos” ay diumano’y mayroong tinatawag na stable women na mas kilala bilang “pastorals” sa kanilang organisasyon na may espesyal na kapangyarihan.
Ang mga babeng ito diumano ang siya ring naatasan na magmasahe, maglaba ng kaniyang mga personal na gamit at damit, maglinis ng kaniyang kuwarto at higaan, gayundin ang personal na pagaasikaso sa pastor sa marami pa nitong pangangailangan diumano.
Base sa resolusyon, ang mga pastoral na ito ay ni-recruit noong sila ay menor de edad pa lamang at naatasan din diumano na magbigay ng sexual services sa murang edad sa ilalim ng KOJC ni Quiboloy.
Bukod pa rito, inihayag din ng resolusyon ang kahalagahan ng pagpapatawag kay Quiboloy para pagsalitain ito upang liwanagin ang diumano’y pangaabuso sa napakaraming menor de edad.
Ang mga minors ay ginagamit diumano bilang tagalimos sa kalye gayundin sa iba’t ibang solisitasyon at sakaling hindi makaabot sa quota ay siguradong may kapalit umanong kaparusahan sa mga ito.
Ani Hontiveros, sakaling totoo ang mga paratang ay dapat lamang aniyang pagtibayin pa ng kongreso ang mga batas na sasaklaw sa proteksyon ng maraming kabataan at kababaihan, lalo pa at nangyayari ang naturang krimen diumano mismo sa kanilang hurisdiksyon, ngunit mistulang malaya at libreng libre pa umano si Quiboloy na humarap at magpatuloy sa kaniyang mga gawain na parang wala man lang kaukulang batas na hahabol dito.
Ayon sa senadora, ang imbestigasyon sa ilalim ng Committee on women, children, family relations and gender equality na siya rin ang chairman ay magbibigay linaw kung bakit sa kabila ng kasalukuyang Republic Act No. 9208, o mas kilala bilang Expanded Anti-Trafficking Act, na nagbibigay ng parusa sa mga krimeng tulad nito ay nakapag-ooperate pa si Quiboloy at ang KOJC nang wala man lamang red flag mula sa mga awtoridad.
Sinabi ng senadora na dapat ay masusing pag-aralan ng gobyerno ang isyung ito upang matuldukan ang mga ganitong uri ng krimen at pangaabuso.
Matatandaan na napabalitang si Quiboloy at dalawa pa sa mga kasama nito sa KOJC ay diumano’y nahaharap sa kaparehas na kaso na isinampa sa ilalim ng United States Federal Bureau of Investigation at wanted umano ito sa US dahil sa kaniyang kaso.