Senate inquiry sa malawakang baha
ISINAGAWA nitong Huwebes, August 1, 2024, ang unang pagdinig ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso patungkol sa nangyaring malawakang baha sa Metro Manila, ilang bahagi ng Central at Southern Luzon likha ng habagat at bagyong Carina.
Maayos ang pagkakatimon ng pagdinig ni Senator Bong Revilla bilang chairman ng Senate Committee on Public Works.
Partikular na naging resource person sa pagdinig si Secretary Manny Bonoan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Chairman Romando Artes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at marami pang iba.
Są ginawang pagtatanong nina Senadora Imee Marcos, Senador Joel Villanueva at Senadora Nancy Binay, ramdam natin ang kanilang pagkadismaya kung bakit lumala nang gusto ang tubig baha sa pinakahuling bagyo.
Nagtataka sila kung bakit sa kabila ng maaigit P450 billion ang nakalaan sa flood control ay lumala pa nang gusto ang tubig baha.
“Yung dating hindi binabaha ay binabaha na ngayon. Yung dating ga-beywang lang ang baha ay lagpas tao na ngayon. Saan napunta iyong ipminagmalaking ipinagawang 5,500 flood control project noong nagdaang SONA,” ani Villanueva na aminadong pati ang kanilang bahay sa Bulacan ay pinasok ng baha.
Nagulat naman si Senadora Imee na ang isinagawang flood control project ay patci-patchi o tagpi-tagpi lamang at hindi ito komprehensibo tulad ng inaasahan ng taumbayan.
Kahit si Senadora Nancy ay nadismaya nang malamang walang nangyaring ‘integrated plan’ para sa pagpapagawa ng flood control dahil tagpi-tagpi lamang ang ginawa ng pamahalaan.
Inamin ni Secretary Bonoan na hanggang ngayon ay hindi pa naipatutupad ang ‘master plan’ para sa komprehensibong flood control project dahil nasa process pa lamang sila ngayon ng ‘feasibility study.’
“Walang ‘continuity.’ Paulit-ulit sa feasibility study, wala nang tinapos na maayos na proyekto,” sabi pa ni Villanueva.
Ani Bonoan, sinabihan na sila ng Pangulong Bongbong Marcos na dapat ay ‘holistic’ at ‘integrated’ ang approach upang tuluyang masawata ang paulit-ulit na problema sa baha.
Kinumpirma naman ni Chairman Artes na isa sa 5,500 flood control project ang nabangga ng barko at ito ay sa may bahagi Navotas at Valenzuela.
Nasa process pa lamang sila ng imbestigasyon kung paano panagutin ang may-ari ng barko at kinukumpuni pa rin nila ngayon ang nasirang piyesa.
Para sa akin, mabuti’t naipaliwanag ng pamahalaan ang kanilang panig kung bakit lumala nang husto ang baha sa nakalipas na bagyo.
Ngunit sana sa susunod ay ipatawag ang Commission on Audit (COA) upang malaman nang husto kung nagamit ba nang tama ang P1 billion a day na pondo sa flood control project.