Crisologo

Senate body OK sa pagpalit ng pangalan ng QCGH

September 13, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 115 views

INAPRUBAHAN na ng Senate committee on health ang bersiyon nito ng House Bill (HB) No. 7839 na naglalayong palitan ang pangalan ng Quezon City General Hospital bilang Quezon City General Hospital and Medical Center, ayon sa isang kongresista.

Isinulong nina Quezon City 1st District Rep. Anthony Peter “Onyx” Crisologo at Quezon City 3rd District Rep. Allan Reyes ang HB 7839 habang si Sen. Imee Marcos naman ang tumatayong awtor ng panukala sa Senado.

Sinabi ni Crisologo, kasapi ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) na pinamumunuan ni House Majority Leader and Leyte 1st District Rep. Martin G. Romualdez bilang presidente, na inaprubahan na ng komite ni Sen. Christopher “Bong” Go ang panukala at umaasa siyang magiging batas ito kinalaunan.

Nabatid sa kongresista na dalawang taon na nilang isinusulong para mapalitan ang pangalan ng nasabing ospital upang makilala ito ngayon bilang QC General Hospital and Medical Center.

Inihayag ni Crisologo na nagkaroon na ng upgrading o modernisasyon ang QC General Hospital dahil sa mga makabagong kagamitan nito.

Katulad sa mga pribadong ospital sa Metro Manila, sinabi ni Crisologo na masasabing state of the art ang mga pasilidad sa QC General Hospital.

Hindi pa kasama dito ang mga karagdagang serbisyo na inaalok ng ospital para sa mga residente ng Quezon City, aniya. Itinatag ang QC General Hospital sa pamamagitan ng Republic Act (RA) No. 537 na inamyendahan naman ng R.A. 6548.

Ayon kay Crisologo, napapanahon at nararapat lamang na palitan ang pangalan ng QC General Hospital dahil sa mga pagbabagong nangyari dito sa loob ng mahabang panahon ng pagbibigay ng serbisyo.

“Matagal na panahon na naming inilalaban na mapalitan ang pangalan ng QC General Hospital bilang QC General Hospital and Medical Center. Through the years, ang laki na ng pagbabago ng ospital na ito. And this has become a teaching and training hospital for aspiring nurses and doctors,” pahayag pa ni Crisologo.

AUTHOR PROFILE