Default Thumbnail

Senador Alan Peter Cayetano vs ‘witness for sale”

June 2, 2023 Allan L. Encarnacion 239 views

Allan EncarnacionTAMA si Senador Alan Peter Cayetano sa kanyang panukalang baguhin na ang perjury law.

Ayon kay Senator Cayetano, pinaglalaruan na lamang ng mga sinungaling ang perjury dahil sa babaw o hina ng kaparusahan laban dito.

Sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code: penalty for perjury is arresto mayor in its maximum period to prision correctional in its minimum. Arresto mayor in its maximum period involves imprisonment from 4 months and 1 day to 6 months.

Karaniwan, kung may mahatulan man sa kasong pagsisinungaling, hindi naman nakukulong sa totoong buhay dahil nga sa baba ng parusa.

Panahon na marahil para mabigyang-pansin ang ganitong panukala ni Cayetano dahil nabababoy na ang ating criminal justice system.

Wala tayong tutukuying kaso para maging parehas sa lahat. Tinatalakay natin ito hindi para kanina mang kaso bagkus ay para sa proteksiyon nating lahat laban sa mga “witness for sale.”

Sa maraming pagkakataon, maraming mga testigo ang lalagda sa kanilang affidavit laban sa isang tao at aakusahan ng kung anu-anong krimen.

Haharap pa sa press conference with full media coverage, lalo na kapag malalaking tao ang inaakusahan. Sa unang buga, kamumuhian ng publiko ang inaakusahan, pati pamilya ay apektado.

Kapag capital crime, maraming mananawagan ng “bitay” sa mga inaakusahan sa isang banda at sa kabilang banda naman, super hero ang tingin sa testigo or sa mga testigo kahit hindi pa naman sigurado kung totoo ang kanilang mga sinasabi.

Kapag nagbigay ng salaysay, detalyado, mula sa kanilang kinain, kasuutan, kung saan naganap ang krimen at kung paano isinagawa ang krimen. Para tayong nanonood ng teleserye na inaabangan araw-araw ang pagdinig o ang isang public investigation.

Dahil sa tindi ng krimen, gagastos ang gobyerno sa pamamagitan ng Witness Protection Program, bibigyan ng safehouse at bodyguards ang witness na may kalakip pang financial support sa pamilya habang hindi pa nareresolba ang kaso. Ang media naman ay going gaga sa lahat ng sinasabi ng testigo at kanya-kanyang anggulo, kanya-kanyang research para lalo pang mapalaki ang isyu.

Sa isang sulok naman, naroon ang isang inaakusahan at ang kanyang pamilya ay idinamay pa sa lahat ng krimen, kung hindi man direktang partisipasyon, sasabihin nakinabang sa ninakaw or sa ginawang krimen.

Tatakbo ang kaso, magkakaroon ng pagdinig, iyong iba isyu, nasusungkit pa ng international media kaya talagang alam mong dambuhalang krimen or higanteng eskandalo ang ibinunyag ng testigo.

Magugulat na lang pagkagising mo isang araw, nagbago na ng pahayag ang mga testigo na nagpabida sa buong bansa sa mga panahong nang-aakusa siya.

Sinabi ni Cayetano na sa ibang bansa na gaya ng Amerika, ang perjury ay katulad din ng major crimes ang pagtrato kaya mabigat din ang parusa. Kunsabagay, ang pinakahuling perjury case na nakita natin sa US ay ang Johnny Depp vs Amber Heard. Mabigat ang naging parusa sa dating kabiyak ni Depp dahil sa pag-iimbento ng mga kaso laban sa aktor.

Dito sa atin, tama si Senador Alan Peter na binabalewala ng mga sinungaling ang perjury case dahil nga sa wala namang nakukulong. Kaya tuloy lima singko na lang ngayon ang testigo!

Makailang ulit nang nagbaligtaran ang mga testigo magmula pa noong 1986 hanggang 2023 dahil nga minami-mani lang ng mga sinungaling ang parusa sa perjury.

Kung bibigatan natin ang parusa laban sa perjury, halimbawa ay gawing anim na taon ang minumum hanggang sampung taon pataas ang kulong bukod pa ang civil damages na kakaharapin mula sa inakusahan niya, baka magdalawang isip ang mga taong ito sa kanilang pagsisinungaling.

Dapat ding pa-reimburse ng gobyerno ang mga ginastos sa sinungaling habang nasa custody siya ng pamahalaan dahil sa pagiging state witness. Kung walang maibabayad dahil mahirap lang ang nahatulan ng perjury, idagdag sa taon ng kanyang pagkakulong ang hindi niya kayang bayaran!

Makikinabang tayong lahat sa panukalang ito ni Senador Alan Peter dahil mapoprotektahan tayo laban sa anumang masamang plano sa atin ng sino man na idawit tayo sa mga kasong wala naman tayong kinalaman.

Kapag lumagda ka na sa isang affvidavit, dapat ituring natin ito bilang sagradong dokumento na hindi puwedeng bawiin. Kamatayan lamang dapat ang puwedeng pumigil sa iyo para tumestigo, meaning, natural death, hindi iyong papaslangin.

Bilang na ang araw ng mga sinungaling!

[email protected]