Senado sinimulan nang talakayin 2025 budget
NAGSIMULA na ang Senado sa ginagawang pagsusuri sa mungkahing P6.352-trilyong pambansang badyet para sa 2025, na itinuturing na isang komprehensibong plano para sa mga prayoridad ng bansa at serbisyo publiko sa susunod na taon.
Ipinakilala ni Senadora Grace Poe, tagapangulo ng Committee on Finance, ang nasabing badyet, at binigyang-diin na ito ay repleksyon ng dedikasyon ng gobyerno na magsilbi sa sambayanang Pilipino.
Ayon kay Poe, siya at ang kanyang 15 na bise-tagapangulo ay maingat na sinuri ang bawat kahilingan ng mga ahensya upang masiguradong ang bawat pondo ay direktang nakatuon sa pangangailangan ng publiko.
Ang alokasyon para sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo (OVP) ang isa sa mga tampok sa pagtalakay sa badyet.
Matatandaan na inirekomenda ng Committee on Appropriations ng House of Representatives ang pagbabawas ng mungkahing badyet ng OVP mula P2.037 bilyon patungo sa P733.198 milyon dahil sa mga isyung may kaugnayan sa mga magkakahawig na social service programs at mababang paggamit ng pondo. Ipinahayag ni Congresswoman Stella Quimbo ng Marikina na ang layunin ng pagbawas ay upang maiwasan ang pagkakapatong-patong ng mga programa, at ilipat ang pondo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).
Sa mga pagdinig ng Senado, kinumpirma ni Poe na ilang beses nang lumapit ang Senate Finance Committee sa OVP upang humingi ng mga dokumento na maglilinaw sa mga isyu kaugnay ng kanilang badyet.
“Yes. We reached out several times to the Office of the Vice President requesting them to submit documents to clarify issues regarding their budget, but they have not submitted as of today,” ani Poe. Dagdag pa niya, “So, we decided to retain the GAB amount pending submission and review of these documents.” Ipinapakita ng desisyong ito ang maingat na pagtutok ng Senado upang masiguro ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Ayon sa ulat, tumugon si VP Sara Duterte sa pagbawas ng badyet, at ipinahayag ang kahandaan ng OVP na magpatuloy sa kanilang operasyon kahit mas maliit ang pondo na matatanggap mula sa Kongreso. Sinabi niya na ang opisina ay gagana sa loob ng itinalagang pondo at magpapatuloy sa pagsisilbi sa sambayanang Pilipino sa kabila ng pagbabawas sa budget ng OVP.
Si Senador Joel Villanueva, isang senior vice chairperson ng Committee on Finance, ay nagpahayag din ng kanyang matibay na suporta para sa kabuuang budget.
Binigyang-diin ni Villanueva ang kahalagahan nito sa pagtugon sa mga layuning pang-ekonomiya at sa pangangailangan ng mga manggagawa, kapwa lokal at sa ibang bansa. Itinampok ni Villanueva ang suporta ng badyet para sa mga ahensya tulad ng Department of Migrant Workers at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), na may mahalagang papel sa pagsuporta sa mga manggagawa sa loob at labas ng bansa.
Habang nagpapatuloy ang talakayan sa badyet, nakatuon ang mga mambabatas na masigurong ang bawat pondo sa national budget ng 2025 ay tunay na magdudulot ng pagbuti sa buhay ng mga Pilipino at pagsulong ng kinabukasan ng bansa na siyang prioridad ng kasalukuyan administrasyon ng Pangulong Marcos Jr.