Senado may pagdinig para sa MATATAG K-10 curriculum
MAGSASAGAWA ang Senate Committee on Basic Education ng pagdinig ukol sa MATATAG K to 10 curriculum para suriin ang kahandaan ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad nito, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.
Ayon sa mambabatas, mahalagang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng MATATAG K to 10 curriculum para iangat ang performance ng mga mag-aaral at matugunan ang krisis sa edukasyon sa bansa.
Nagsimula ang pilot run ng MATATAG K to 10 curriculum noong Setyembre 25, 2023 sa 35 na paaralan sa pitong rehiyon.
Matatandaan ding kasunod ng paglunsad ng bagong curriculum, hinimok ni Gatchalian ang Teacher Education Council (TEC) na iugnay ang teacher education at training sa MATATAG K to 10 curriculum.
Ang secretary of Education ang nagsisilbing chairperson ng TEC na may mandatong iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay sa bansa.
Mula sa 11,700 na learning competencies, 3,644 na lamang ang nananatili sa MATATAG K to 10 curriculum.
Matatandaang nagbabala ang mga eksperto na nagiging sagabal ang congested curriculum sa epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral.
Isa ang bagay na ito na nagdulot ng mababang marka ng Pilipinas sa mga international large-scale assessments tulad ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA).
Binigyang diin ng DepEd na tinututukan ng MATATAG K to 10 curriculum ang literacy, numeracy at socio-emotional skills.
Bahagi rin ng curriculum ang mga peace competencies.
Magkakaroon ng phased implementation ang MATATAG K to 10 curriculum na magsisimula sa School Year (SY) 2024-2025 sa kindergarten, grades 1, 4 at 7.
Ipapatupad naman sa Grades 2, 5 at 8 ang curriculum pagdating ng SY 2025-2026 kasunod ng Grades 3, 6, at 9 para sa SY 2026-2027.
Sa SY 2027-2028, ipapatupad ang revised curriculum sa Grade 10 kasunod ng ganap na pagpapatupad nito sa 2028.