Sen. Win sa LGUs: Disaster preparedness palakasin
MULING iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na kailangang pagbutihin ng mga local government units (LGU) ang kanilang disaster preparedness program, habang namahagi siya ng tulong sa mga biktima ng baha at landslide sa Davao de Oro at Davao Oriental sa Southern Mindanao at Agusan del Sur sa Caraga nitong Sabado.
“Sa gitna ng matinding sakuna na naranasan ng ating mga kababayan sa Mindanao, mahalaga ang ating pagkilos tungo sa mas pangmatagalang paghahanda. Panahon na para taasan ang antas ng kahandaan ng mga LGU upang mapanatili ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” ani Gatchalian.
Personal na lumipad ang senador sa mga apektadong munisipalidad sa Davao de Oro, Davao Oriental at Agusan del Sur, at namahagi ng kabuuang 12,800 na sako ng bigas na nagkakahalaga ng P16 milyon sa mga biktima ng baha at landslide.
Katuwang ng opisina ng senador ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela sa tulong na ipinamigay.
Ang Senate Bill No. 939 ni Gatchalian, o An Act Expanding the Application of the Local Disaster Risk Reduction and Management Fund, ay naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 10121, o The Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Umaasa si Gatchalian na ang pagsasabatas ng panukala ay magbibigay sa mga LGU ng maraming pagkakataon na magpatupad ng mga proyektong magpapalakas sa kanilang kahandaan at pagtugon sa mga sakuna at kapasidad sa rehabilitasyon.
Binigyang-diin ng senador na ang disaster-mitigation efforts ay lubos na mapapabuti kung ang mga LGU ay may sapat na pondo para magkaloob ng mga lokal na proyektong pang-imprastraktura na dinisenyo upang protektahan ang kanilang mga lokalidad laban sa mga natural na kalamidad.
Idinagdag niya na kung may sapat na pondo ang mga LGU, madali silang makakabayad sa mga obligasyong natamo sa pagpopondo ng mga proyektong may kinalaman sa disaster preparedness and mitigation, at madali silang makakakuha ng mga tao na magpapatupad sa mga programang ito.