Tulfo

Sen. Tulfo isinusulong 6 na taong kulong, P5M multa sa bomb jokers

August 10, 2024 PS Jun M. Sarmiento 77 views

NAGHAIN si Sen. Idol Raffy Tulfo ng Senate Bill (SB) No. 2768 na magpapataw ng mabigat na parusa sa sinumang magpapakalat o ginagawang biro ang bomb threat na talamak sa pampublikong lugar, gaya na lang halimbawa sa mga tren, eroplano, barko atbp.

Ayon kay Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Public Services, bagama’t mayroong Presidential Decree (PD) No. 1727 na ipinasa noong taong 1980 ay hindi na ito napapanahon.

Sa ilalim ng PD 1727, ang mga taong nasampahan ng kasong may kinalaman sa bomb threat sa civilian courts ay nadi-dismiss lang dahil ang may jurisdiction dito ay ang military tribunal.

Sa taong 2023 at 2024 halimbawa, anim na kaso ng bomb jokes ang naitala ng Philippine National Police (PNP) sa train stations at 11 naman sa airport – at lahat ng ito ay na-dismiss lang din sa korte.

Sa panukalang batas ni Sen. Idol, papatawan ng hanggang anim na taong pagkakakulong at multang aabot sa P5,000,000 sa Regional Trial Court ang pagkakalat o pagbibiro hinggil sa bomb threats.