Sen. Tolentino, namahagi ng ayuda sa mga nasunugan sa Tondo
ISINUSULONG ni Senate Majority Floor Leader Francis “Tol” Tolentino ang batas na pipigil sa mga pribadong kompanyang nangangasiwa sa tubig, kuryente, at internet na huwag munang maningil sa mga pamilyang apektado ng sakuna at kalamidad tulad ng bagyo, sunog at iba pa.
Inihayag ito ng Senador sa kanyang pagdalaw sa may 2,000 pamilyang biktima ng malaking sunog na naganap sa Aroma Compound sa Road 10, Tondo nito lamang Setyembre 14, upang mamahagi ng relief goods sa mga apektadong pamilya Martes ng umaga.
“Tingnan mo, kapag nasunugan ka, ang una mong gagawin bumili ng yero, kahoy na pamakuan, gawin muna yung bahay, gumastos ka, siyempre hindi mo mababayaran ang kuryente at tubig, tapos puputulan ka. Sa isinusulong kong batas, isang buwan, hold muna,” pahayag ni Tolentino.
Sabi pa ng Senador, siya ang nagpasa ng batas noong panahon ng pandemya na habang may Covid, hulugan o “3-gives” ang bayad sa kuryente, tubig, at internet dahil hirap ang buhay noon ng mamamayan,
Pinawi rin ng Senador ang pangamba ng mga nasunugan na bibilhin ng pribadong kompanya ang isang ektaryang lupang kinatatayuan ng nasunog na tenement buildings kaya’t inilapit nila sa lokal na pamahalaan na ideklara ng permanent housing site ang lugar para sa katulad nilang mga informal settlers.
Ayon kay Tolentino, hindi puwedeng bilhin ng anumang pribadong kompanya ang naturang lupa dahil pag-aari na ito ng National Housing Authority (NHA) at nakalaan talaga para pagtatayuan lamang ng pabahay ng pamahalaan para sa mahihirap.
Siniguro rin ng Senador na kakausapin niya si NHA General Manager Joeben Tai upang mapabilis ang pagtatayong muli ng matitirhan ng libo-libong pamilyang nawalan ng tirahan sa malaking sunog.