Tolentino1

Sen. Tolentino dumalaw sa Tondo, namahagi ng ayuda

July 30, 2024 Edd Reyes 353 views

UMABOT sa 600 katao ang tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa pondo ni Senator Francis “Tol” Tolentino sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Martes ng umaga sa Barangay 123 Moriones sa Tondo, Manila.

Layunin ng programang AICS ng DSWD na matugunan ang pangangailangan ng mga pamilya at indibiduwal mula sa hindi inaasahang pangyayari, tulad ng nagdaang hagupit ng bagyong Carina.

Bukod sa P2,000 tulong pinansiyal, anim pang persons with disability (PWD) ang tumanggap ng wheel chair mula kay Sen. Tolentino, habang dalawa naman ang nanalo ng bisikleta at may ilan pang nakatanggap ng ipina-raffle na mga rice cooker at iba pang gamit pang-kusina.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga residente at opisyal ng Barangay 123 kay Sen. Tolentino sa walang sawang pagkakaloob sa kanila ng tulong, mula pa noong panahon ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Sa kanya namang mensahe, sinabi ni Sen Tolentino na isa sa nakikita niyang solusyon sa maraming problema ng Pilipinas ay ang pagtutulungan ng bawa’t isa.

“Ituring natin, i-trato natin ang ating kapitbahay, ang ating mga ka-barangay na ating kapatid, parang utol. Kung gagawin po natin yan, maraming problema sa inyong barangay, sa Maynila at maging ng buong bansa ang mababawasan dahil marami po ay nagmumula sa hindi pagkakaunawaan,” payo pa ng Sen. Tolentino.

“Sana po, sa tulong ng DSWD, itong kaunting matatanggap ninyo ay makatulong ng bahagya sa inyong pangangailangan,” pagwawakas na mensahe ng Senador.

AUTHOR PROFILE