Sen. Robin gusto nang maipasa ang medical cannabis bill
MASIDHI ang pagnanais ni Senator Robin Padilla na maipasa sa Senado ang Senate Bill 2573 o Cannabis Medicalization Act of the Philippines na siya ang nag-file.
Sa isang mediacon na ginanap sa The Forum At Solaire Resort and Casino, sinabi niyang nakapasa na ito sa Kongreso.
Kung makakapasa ito sa Senado at ganap nang maging batas, aniya, maraming mahihirap na taong maysakit ang mabibigyan nito ng benepisyo.
Ayon kay Sen. Robin, “Ito na ang pinakamura at pinaka-epektibo na puwede pong i-subsidize ng gobyerno.
“Sa matagal na panahon po lagi po itong umaabot ng third reading sa House pero pagdating po sa Senate hindi po ito tumatakbo.
“Siguro po dahil sa generation gap dahil matagal sa panahon na ‘yung mga nakaupo din sa ating senador, sa atin pong mataas na Kapulungan ay medyo nakatatanda.
“Ang mga nakaupo po ngayon na mga senador ay mas ka-edad po natin, mas naiintindihan na po nila kung ano ang benepisyo ng cannabis.
Kaya po ngayon umabot na po kami sa interpellation.”
Inamin niyang kahit ang lola niya noong araw, natulungan ng naturang pamamaraan. “Matagal na po ito,” aniya. “Aakyat lang po sa bundok, available na. Ayaw ko nga po itong tawaging marijuana. Ito po yung hemp na tinatawag. Maski nga po ang katawan nito, napakatibay.”
Kasama ni Sen. Robin sa naturang mediacon ang isang cannabis clinician na si Dr. Shiksha Gallow. Paliwanag ng doktor: “It’s time(to legalize and sell it) because patients need it, the science supports it.”
Ang medical cannabis ay lubhang makakatulong, anang doktor, sa paggamot sa chronic pain, auto-immune inflammatory conditions such as multiple sclerosis, rheumatoid arthritis, insomnia, epilepsy, cancer, ADHD at autism.
Bukas na ang paggamit nito sa ilang bahagi ng mundo.
“Thailand has opened up cannabis and I think now it’s time for the Philippines to give it a try. I believe Philippines can lead medical cannabis in Asia,” sabi pa ni Dr. Gallow.
Malaki ang pangamba ng maraming tao, lalo na ang mga namumuno sa bansa na addictive ang paggamit nito. Nangangamba silang baka sa halip na makatulong ay makasira pa ng buhay ng isang pasyente.
Pero paliwanag ni Dr. Gallow, pitong porsiyento ng medical cannabis bilang gamot ay masyadong mababa para maging addictive. In fact, ayon sa doktor, mas addictive pa ang kape dahil ang caffeine na nakukuha rito ay 9% at ang alcohol ay nagtataglay ng 20% addictive content at ang paninigarilyo ay may 30% nicotine na addictive din.
“So why are we demonizing something that is less addictive than the cup of coffee on your table?” tanong ng doktora.
Sinabi ni Sen. Robin na kung hindi pa rin pumasa ang naturang bill niya sa 19th Congress ay muli niya itong ipa-file sa 20th Congress.
Marami na ang supporter ng naturang bill at kabilang na ang aktres na si Lui Manansala na katabi namin sa naturang mediacon. Bilang suporta, nagpa-tattoo pa siya ng isang malaking dahon ng cannabis sa kanyang katawan.
Ayon naman kay Nadia Montenegro na staff ni Sen. Robin, kung nabigyan daw ng medical cannabis oil ang nasirang partner niyang si Boy Asistio ay malamang buhay pa ito ngayon..“Kasi ‘yun ang kailangang gamot para kay Boy, pero hindi nangyari,” wika ni Nadia. “Sana, gumaling pa siya.”