Sen. Risa: Quiboloy dapat panagutan mga krimen
IGINIIT ni Sen. Risa Hontiveros na marapat lamang aniyang harapin ni Pastor Apollo Quiboloy, na siyang founder at lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa Pasig Regional Trial Court (RTC) nang punto por punto kung saan ay dapat din aniya siyang managot ayon sa itinatakda ng batas.
Si Quiboloy, kasama ang apat na iba pang akusado, ay nag-plead ng “not guilty” sa mga kasong qualified trafficking in persons at iba pang kriminal na kaso kung saan ay naghain ang mga ito ng not guilty plead sa korte.
“Ang pagpapaharap sa kanila sa hukuman ay isang malaking hakbang tungo sa ganap na hustisya,” ani Hontiveros kung saan ay ipinahayag niya ang paniniwala na dapat lamang mapapanagot ang mga nasasakdal.
Binigyang-diin ni Hontiveros ang kahalagahan ng pagpapapanagot kay Quiboloy para sa mga sinasabing pang-aabuso sa mga biktima.
“Karapat-dapat managot sa batas si Apollo Quiboloy. He and his co-accused have caused unspeakable pain to women, children, and the most vulnerable,” aton kay Hontiveros kung saan ay binigyang-diin ang pangangailangan ng hustisya para sa mga biktima.
Kinilala din ng senadora ang tapang ni alias Amanda, isa sa mga unang nagbigay testimonya sa Senado tungkol sa umano’y sistematikong pang-aabuso ni Quiboloy.
Ayon kay Hontiveros, ang lakas ng loob ni Amanda ay naging inspirasyon sa iba pang biktima na lumabas at ang mga pagdinig sa Senado ay magpapatuloy bilang plataporma para makamit ng mga biktima ang hustisya.
“Papaharapin natin si Quiboloy at mga kapwa niya akusado sa Senado,” sabi ni Hontiveros at idinagdag: “Maraming biktima pa ang gustong mag-testigo para ipaglaban ang kanilang pagkatao, ang kanilang dignidad, at ang buong katotohanan.”
Si Quiboloy, na naaresto sa Davao City noong Setyembre 8, ay humaharap din sa magkahiwalay na kaso ng pang-aabuso sa bata sa Quezon City.
Sa kabila ng kanyang hindi pagsipot sa mga pre-trial proceedings ay magpapatuloy ang kaso laban sa kanya kung saan ay marami ang umaasa ng hustisya para sa mga biktima nito.
Ang mga kasong isinampa ay nagmula sa umano’y paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, kung saan sina Quiboloy at mga kapwa akusado na sina Cresente Canada, Jackielyn Roy, Ingrid Canada, at Sylvia Cemanes ay itinanggi ang mga alegasyon sa korte.