Sen. Lito Lapid, Gem Castillo-Amante pararangalan sa Amerika
PARARANGALAN ang action superstar at senador na si Lito Lapid ng AmerAsia International Awards sa Hollywood sa Amerika ngayong darating na November 23. Gaganapin ang naturang awards night sa Celebrity Centre sa Franklin Avenue sa Los Angeles, California.
Ayon kay Don Alfredo Yumul, CEO ng AmerAsia International Awards, napili nila si Senador Lapid na bigyan ng Lifetime Achievement Award at 2024 Most Loved Public Servant/Enduring Filipino Actor of the Year. Ito ay dahil sa kanyang malawak na karanasan bilang action superstar ng pelikulang Pilipino at bilang public servant sa mahabang panahon. Naging Vice-Governor at three-term Governor ng Pampanga at three-term Senator.
Lubos na nagpapasalamat si Sen. Lapid (na tinagurian ding Supremo dahil sa kanyang role sa FPJ’s Batang Quiapo ni Coco Martin) sa nabanggit na parangal sa kanya dahil sa patuloy na pagtitiwala at pagmamahal sa kanya ng mamamayang Pilipino.
Samantala, kasama rin sa pararangalan ng AmerAsia International Awards sa Amerika ang First Lady ng San Pablo City, ang dating actress-singer na si Gem Castillo-Amante dahil sa kanyang mga gawaing humanitarian sa kanyang komunidad. Kasalukuyang tumatakbo bilang Vice Governor ng Laguna si ‘Mayora’ Gem ka-tandem ng dating aktor na si Dan Fernandez bilang Governor.