JV

Sen. JV: PH ipaglaban, ipagtanggol kaninuman, saanman

December 16, 2023 PS Jun M. Sarmiento 162 views

WALA nang kakapal pa sa mukha ng taong kayang ibenta ang kaluluwa sa Tsina at isasakripisyo ang sariling bayan.”

Ito ang galit na sinabi ni Sen. Joseph Victor JV Ejercito Estrada kasabay ng mariing pagkondena ng pananakop ng ilang Chinese vessel sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa Ayungin Shoal na sakop ng West Philippine Sea (WPS).

Sa kanyang tweet, nag-sorry si Ejercito sa pagpatol sa basher na hindi niya alam kung tao o mga troll na inupahan o naka-programang makina (AI-generated) na ginagamit para i-bully sa social ang mga nagpapahayag ng pagtutol sa pang aabusong ginagawa sa Pilipinas, partikular sa WPS.

“Hindi ko talaga masikmura ang pagkampi sa Tsina at talikuran at pagtaksilan ang sariling bayan,” mariing pahayag ni Ejercito sa kanyang tweet.

Pinaalalahan din ni Ejercito ang ilan sa mga Pilipino na hayagan nagpapakita ng kanilang suporta sa pananakop ng Tsina kaugnay na pinagtatalunan na isyu.

“I apologize if I blew my top in engaging a disrespectful vlogger who has been attacking me. Ang ‘di ko talaga masikmura ay ang pagkampi nila sa Tsina at talikuran at pagtaksilan ang sariling bayan,” giit ng senador.

Bago pa rito, nanawagan si Ejercito sa mga kababayan natin na huwag ipagpalit ang sariling bayan sa anumang dahilan.

Sinabi niya na iisa lang ang ating bansa at dapat natin itong mahalin at ipagtanggol laban sa kaninuman, kailanman at saan man.

“Huwag maging Makapili! Mahalin natin ang ating bayan. Mabuhay ang Pilipinas!” sabi sa tweet ni Ejercito.

Nauna pa rito, binanatan din ni Ejercito ang Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Huang Xilian na ayon sa senador dinuro-duro si Armed Forces of the Philippines chief Gen. Romeo Brawner Jr., kaugnay ng kanilang paghaharap ukol sa WPS.

Kinondena ni Ejercito si Xilian at sinabing tama sina Senate President Juan Miguel Zubiri na napapanahon na para pauwiin sa Tsina ang ambassador dahil sa maling istilo ng pakikipag kapwa tao nito sa mga Pilipino.

Inaasahan aniyang si Xilian ang siyang magiging linya sa diplomasya sa pagitan ng Pilipinas at China ngunit siya pa ang nagiging dahilan upang magkaroon ng mainitan relasyon ang dalawang bansa.

“Sa isang executive session ay naikwento ni Gen. Brawner nung nagkaroon sila ng komprontasyon ni Chinese Ambassador Xilian Huang at dinuro siya nito kung saan ay sinabi umano nito ang katagang: “Do not provoke us.”

Nakakapag panting ng tenga ang ganitong panduduro na ginawa pa sa ating AFP chief of staff mismo at naniniwala siyang may diperensya ang ambassador na ito.

Gayunman, suportado niya si Pangulong Marcos Jr. sa diplomasyang istilo nito para maresolba ang pag aagawan sa WPS ngunit pinuri niya ang pangulo dahil determinado aniya itong ipaglaban ang Pilipino at ang ating yamang karagatan.