SEN. JOEL PINAG-UUSAPAN
‘Kaugnayan’ sa Napoles scam
PINAG-UUSAPAN sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang kaugnayan ni Sen. Joel Villanueva sa pork barrel scam.
Sa sesyon noong Lunes, nag-privilege speech si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong upang kondenahin si Villanueva matapos maliitin umano ang mga kongresista.
Tumayo naman si Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon upang magtanong kay Adiong.
Sinabi ni Adiong na pamilyar ito sa naturang scam na nagresulta umano sa pagkakakulong ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles na itinurong nasa likod ng mga bogus na non-government organizations na tumanggap ng pork barrel funds ng mga mambabatas pero walang proyektong ginawa.
Ayon kay Adiong, naugnay si Villanueva sa pork barrel scam. Ang depensa umano ng senador ay pineke ang kanyang pirma.
“If I were in his (Villanueva’s) shoes, then if I were really furious, I would probably file a case against those persons who forged my signature,” punto ni Adiong.
Sinabi ni Adiong kay Bongalon na wala itong alam na ginawa si Villanueva upang mapanagot ang sinasabi nitong pumeke ng kanyang pirma, para malinis ang kanyang pangalan.
Nang tanungin ni Bongalon kung mayroon itong alam kung kinasuhan ni Villanueva si Napoles dahil sa pagkaladkad sa kanyang pangalan, sinabi ni Adiong na wala itong alam.