Sofronio Vasquez

Sen. Imee tataya sa pagsikat ni Sofronio

December 18, 2024 Ian F. Fariñas 114 views

NAGPASA pala kamakailan si reelectionist Senator Imee Marcos ng isang resolusyon sa Senado na naglalayong kilalanin at i-congratulate si Sofronio Vasquez sa pananalo nito sa 26th season ng “The Voice USA”.
Sa inihaing Senate Resolution No. 1260, sinabi ng senadora na ang victory ni Sofronio ay maituturing na “international event” dahil hindi lamang mga Pinoy ang nag-root para sa kanya kundi maging ang mga taga-Indonesia, Singapore, Malaysia at China.

“Kailangan kilalanin lahat ng sumisikat at nagbibigay-dangal sa Pilipinas. Kailangang kilalanin natin ‘yan. Kung minsan, parati na lang ‘yung mga politiko, kung minsan ‘yung mga atleta, eh. ‘Wag naman nating kalimutan ‘yung mga artists. Kasi talagang nagbibigay talaga ng pride, ‘ika nga, karangalan sa ‘Pinas,” giit niya sa intimate lunch with the entertainment media sa Kamuning Bakery Cafe kahapon.

Ayon pa sa kanya, talagang naniniwala siya na sisikat si Sofronio matapos ang “The Voice USA” win.

“Tataya ako d’yan, eh,” dagdag niya.

Ehemplo umano si Sofronio “of how one’s talent and determination can ultimately lead to success. Despite having been rejected many times and going through difficult adversities in life, Vasquez used these to turn the chair around which got him the best redemption anyone could ever imagine.”

Sa isang banda, nagbigay din ng reaksyon si Sen. Imee tungkol sa napapabalitang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng diumano’y pagkakasangkot nina Maris Racal, Anthony Jennings at Jam Villanueva sa isyu ng droga.

Nag-ugat umano ito sa pagsilip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilang screenshots na ipinost ni Jam sa socmed na tila may pahaging sa illegal drugs. Ang balita pa kukuwestiyunin ng ahensiya ang tatlo para malinawan ang isyu.

Sa Senado, nagkakaisa diumano sina Senators Bong Revilla Jr., Risa Hontiveros, Ronald “Bato” dela Rosa at Jinggoy Estrada sa paniniwalang dapat walisin ang masamang impluwensya ng droga sa industriya.

Sang-ayon dito si Sen. Imee. Aniya, dapat lang na alagaan ng mga artistang iniidolo, lalo ng mga kabataan, ang kanilang mga sarili.

“They are held to a higher level of conduct and morality. Ang problema kasi, sila ang hinahangaan ng kabataan, sila ang iniidolo, tapos sila pa ang nagkakalat. ‘Wag naman sana. Dapat alagaan din nila ‘yung sarili nila at intindihin na ‘yung imahe nila, ’yun nga ang pinaninindigan at naniniwala ang mga kabataan. So ‘eto nga, nabalitaan ko na magkakaroon nga na iba’t ibang imbestigasyon.

“Unang-una, parati kong sinasabihan ang ating law enforcement, ’wag kayo masisindak kahit artista ‘yan o sikat, imbestigahan ninyo at talagang patawan ng sapat na parusa. Hindi naman dapat inaareglo palibhasa may kaya, may abogado, natatakot sa may hawak, ‘wag ganu’n. Dapat talaga tuloy-tuloy. Dapat mas istrikto nga, kung tutuusin, kasi parang opisyal na rin sila kasi hinahangaan nang todo,” saad niya.

’Yun nga lang, kung mapapansin daw, lagi siyang absent sa Senate investigation.

“Tinatamad ako d’yan sa imbestigasyon, eh, sa totoo lang,” rason ni Sen. Imee.

Mas masipag daw siya sa ibang bagay dahil para sa kanya, ‘pag nag-imbestiga at nakita nang may ebidensya, dapat itigil na.

Paliwanag niya, “Tama na. i-turn-over na sa ating mga imbestigador na totoo, ‘yung CIDG, NBI, ibigay na sa mga professional, higit sa lahat, patawan na ng kaso, dalhin na ‘yan… kaladkarin na ‘yan sa korte. Kung may sala, parusahan na. Wala nang ekse-eksena. ‘Yun na ang problema natin d’yan, eh.”

“Nasisira tuloy ang pangalan ng ilang politiko na sinasabi hindi na daw in aid of legislation kundi in aid of reelection. Eh, hindi dapat ‘yon kasi hindi naman kami huwes, eh. Hindi naman kami magku-convict. Hindi naman namin kayang patawan ng kaso, hindi kami maghahain ng anumang criminal asunto. Wala naman kaming kapangyarihan na magkulong ng maski sino, abay i-turn-over na para maparusahan na ‘yan sa lalong madaling panahon,” diin pa ni Sen. Imee.

AUTHOR PROFILE