Sen. Imee nagpasalamat sa Fil-Chi volunteers for BBM-Sara
PERSONAL na tinungo ni Senadora Imee Marcos ang Filipino-Chinese Volunteers for BBM-Sara Movement sa Binondo, Maynila upang personal na pasalamatan ang grupo sa kanilang pagsuporta sa tambalan nina presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) at ka-tandem nito para sa bise president na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Naglakad mula Binondo Church patungong President Grand Palace Restaurant sa kahabaan ng Ongpin St., Binondo ang grupo kasama si Sen. Imee, Andy Que, presidente ng Filipino-Chinese Volunteers for BBM-Sara Movement, Ben Lao at Rico Que, Vice Chairman David Tan, Manila 3rd District Congressional candidate Ramon Morales, at Councilor Bernie Manican.
Mahigit sa 600 na indibidwal kabilang ang mga kasalukuyan at dating chairman ang sumalubong kay Marcos.
Nagkaroon din ng maikling programa at ipinagmalaki din ni Sen. Imee na paborito ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. kumain sa mga lumang panciteria sa Binondo, Manila.
Sa pagtatapos ng programa nagkaroon naman ng “ceremonial toast” ang mga dumalo bilang simbolo ng pagsuporta sa tambalang BBM at Sara na lubos na pinasalamatan ni Sen. Imee. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño