Imee

Sen. Imee, naasar sa katarayan ni Cristine

July 19, 2022 Vinia Vivar 378 views

Naging emosyonal si Cristine Reyes sa grand mediacon ng Maid in Malacañang kung saan ay gumaganap siya bilang si Imee Marcos. Ikinuwento niya ang naging paghaharap nila ng senador at sobrang na-touch ang aktres sa kanyang nadiskubre.

“Nu’ng humiling ako na magkaroon ako ng time na makakuha man lang ng story directly from the Marcoses and pinagbigyan po ako ni Sen. Imee Marcos,” simulang kwento niya.

“Nu’ng time na ‘yun, tuluy-tuloy lang po si Sen. Imee Marcos na nagkukuwento ng nakaraan. Tapos, hindi po ako nagsasalita kasi pinapakiramdaman ko po si senator,” patuloy niya.

Hindi nga raw siya masyadong nagtanong dahil mas gusto raw niyang makinig at maramdaman si Sen. Imee.

“So, nakita ko si senator habang nagkukuwento na unti-unti na bumababa ‘yung walls niya and nararamdaman ko ‘yung puso niya. Andu’n pa rin ‘yung pain, andu’n pa rin ‘yung memories, eh. Parang it’s so alive, still.

“So, when I felt that, wow. They’re like us, they’re humans,” ani Cristine.

Naging malalim din daw ang koneksyon niya sa kanyang role dahil tulad ni Sen. Imee ay wala na rin siyang ama.

“I just lost my father and para sa ‘kin, para siyang passion project. Dito ko binuhos ‘yung ano ko, ‘yung pain ng childhood ko,” she shared.

Kaya nga sa set daw ay para siyang may sariling mundo.

“Kasi, mayroon akong bitbit, so kino-connect ko siya sa character ko,” aniya.

Samantala, inamin naman ni Sen. Imee na naasar siya kay Cristine dahil talagang nagaya raw siya nang bonggang-bongga.

“Ang totoo, medyo naaasar na ako kay Cristine kasi gayang-gaya niya ako, pati ‘yung mga hair flip at ‘yung pangit na lakad,” natatawang sabi ni Sen. Imee.

“Ang taray-taray niya, nakakaasar!” sambit pa ng senadora. “Kahawig ko na siya, medyo creepy na siya,” she added laughing.

Palabas na ang Maid in Malacañang sa sinehan sa Aug. 3. Ito ay mula sa direksyon ni Darryl Yap under Viva Films.

KILIG AT PIGHATI, NAGHALO

Pinaghalong kilig at pighati ang naramdaman ng viewers ng episode ng 2 Good 2 Be True kung saan ay nawala na parang bula si Eloy (Daniel Padilla) at iniwanan si Ali (Kathryn Bernardo) matapos niya itong halikan dahil kinailangan na niyang takasan ang mga pulis na naghahanap sa kanya.

Todo kilig ang netizens sa halikan nina Kathryn at Daniel, kaya naman naging trending sa Twitter ang episode.

Muling nanguna ang serye sa Top 10 list ng TV series at movies sa Netflix Philippines at sa Top 10 shows ng iWantTFC.

Hinihiling nga ng fans na ibagsak na ang bagong episodes dahil nabibitin sila sa kilig gabi-gabi.

Paganda rin nang paganda ang kuwento ng serye kaya naman laging excited ang mga manonood sa bagong episode.

Patuloy na napapanood ang advance episodes ng 2 Good 2 Be True sa Netflix at iWantTFC.

Maaari rin itong subaybayan mula Lunes hanggang Biyernes, 8:40 p.m., sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook pages ng ABS-CBN Entertainment, Jeepney TV at Cinemo.

AUTHOR PROFILE