Bong Go

Sen. Go sa DTI: Consumers protektahan vs fake products

August 25, 2023 People's Tonight 77 views

NABABAHALA si Senador Christopher “Bong” Go sa hindi mapigilang paglaganap ng mga pekeng produkto sa merkado na lubha aniyang nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Dahil dito, nanawagan si Go, miyembro ng Senate committee on trade, sa Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensya na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng Consumer Act para maprotektahan ang mga konsyumer.

“Nasa Senate committee on trade na ang isyu sa paglaganap ng mga pekeng produkto sa merkado. At bilang miyembro ng komiteng ito, asahan na talagang tutukan ko ang isyung ito,” ani Go.

Inihayag ng senador ang kanyang pagkabahala dahil sa ulat na paglaganap ng mga scammer na nagsasamantala sa mga celebrity visual sa paglalako ng mga hindi rehistradong gamot.

Idiniin ni Go na dapat i-regulate ang operasyon ng mga online pharmacy sa bansa, gaya ng iminungkahi sa ilalim ng eBotika bill, na inihain ni Iloilo 4th District Representative Ferjenel Biron.

Sa kanyang co-sponsorship at co-authorship sa Senate Bill 1846, o Internet Transactions Bill, nais ni Go na malabanan ang paglaganap ng mga pekeng produkto para maproteksyonan ang mga consumer at merchant sa e-commerce.

Ang panukalang batas ay eksaktong tugon sa epekto ng pandaigdigang pandemya sa pagpapalakas ng online business sa buong bansa, kung saan tumaas ang panganib na makatagpo ng mga pekeng produkto.

Sa pagpasok aniya natin sa bagong normal, ang mga online transactions ay naging isang pangangailangan, ngunit ang isyu sa mga pekeng produkto ay lalo ring lumaganap.

Binanggit niya na malawak ang saklaw ng e-commerce, kung saan ang mga pekeng produkto tulad ng pagkain, inumin, at damit ay maaaring makalusot sa merkado.

Ang ekonomiya ng internet sa bansa ay inaasahang lalago sa $26 bilyon sa Gross Merchandise Value pagsapit ng 2025, ayon sa 2021 eConomy SEA Report ng Google at Temasek, kaya kinakailangang tugunan ang isyu ng pekeng produkto.

Ayon kay Go, dapat protektahan ang mga maliliit na negosyo at online seller mula sa bantang ito lalo’t mahalaga sila sa pagbangon ng bansa.

“Ang paglaganap ng mga pekeng produkto ay nagpapahina sa kanilang mga pagsisikap at nakakapinsala sa pagrekober ng bansa,” idiniin ng mambabatas.

Sa iminungkahing batas, iuutos ang paglikha ng isang e-Commerce Bureau sa ilalim ng DTI para sa mas mahigpit na regulasyon laban sa mga pekeng produkto. Bibigyan din ng regulatory jurisdiction ang DTI sa e-marketplace, e-retailers, at iba pang digital platform na maaaring maging kasangkot sa pagkalat ng mga pekeng produkto.

“Dapat gamitin ng gobyerno ang teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon upang mas maibigay ang layunin nito at mas mapalapit sa mga tao sa panahon kung saan halos lahat ay maaaring gawin sa online at sa iba pang digital channel,” sabi ni Go.

AUTHOR PROFILE