Sen. Go: Pagsagip sa mga Pinoy sa Israel bilisan
NABABAHALA si Senador Christopher “Bong” Go sa kaligtasan at kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Binigyang-diin ni Go ang sakripisyo ng mga OFW para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya pero madalas silang maharap sa mga hamon tulad ng krisis sa Israel.
“Kaya masakit para sa aking mabalitaan na tatlo na sa ating mga kababayan ang namatay dahil sa kaguluhan doon, kasama na ang isang nurse na kababayan nating hindi iniwan ang kanyang pasyente sa pagtupad sa kanyang tungkulin hanggang sa huling sandali bago siya pinatay. Para sa akin, isa syang tunay at kahanga-hangang bayani,” sabi ni Go.
Dahil dito, nanawagan ang senador sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na tuluy-tuloy na tulungan at protektahan ang mga apektadong Pilipino sa Israel.
Hiniling niya sa gobyerno na gawin ang lahat ng kakayahan upang matiyak ang kapakanan ng lahat ng OFW. hindi lamang sa Israel kundi sa iba pang bahagi ng mundo.
Bilang vice chairperson ng Senate committee on migrant workers, binigyang-diin ni Go ang mabilis at komprehensibong imbentaryo sa lahat ng apektadong OFW. Aniya, kailangang planuhing maigi ang repatriation sa mga Pinoy sa Israel dahil hindi tiyak ang sitwasyon sa rehiyon.
“Napakahalaga po na ligtas ang ating mga kababayan nasaan man sila sa mundo. Kaya umaapela tayo sa DMW, DFA, at sa POEA na bilisan ang pagkilos dahil importante ang oras sa mga panahon na ito na tiyakin ang kinaroroonan ng ating mga kapwa Pilipino sa Israel,” diin niya.
Nagsimula ang giyera noong Oktubre 7, 2023 nang salakayin ng militanteng Palestinian ang Southern District ng Israel. Nag-udyok naman ito sa mga retaliatory airstrikes mula sa Israeli military.
Hinimok ni Go ang mga Pilipinong naninirahan sa Israel na unahin ang kanilang kaligtasan at makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas para sa kinakailangang tulong.
“Sa ating mga kababayan sa Israel, kung may alam po kayo na kababayan natin diyan na nangangailangan ng tulong, gamitin po natin ang mga nararapat na linya ng komunikasyon at ipaalam sa ating pamahalaan para maprotektahan ang ating kapwa Pilipino na nasa delikadong kalagayan,” ayon sa senaor.
Batay sa ulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), nasa 200 OFW na nakabase sa Gaza Strip ang kasalukuyang binabantayan dahil sa sigalot.
Iniulat din ng DFA na may kabuuang 92 Pilipino na kasalukuyang nasa Gaza Strip ang nais nang makauwi sa Pilipinas dahil sa patuloy na digmaan. Iniutos na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa DMW at OWWA na hanapin at i-account ang lahat ng OFW at kanilang pamilya sa Israel.
Mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Tel Aviv at sa Migrant Workers Office (MWO) sa Israel para matiyak ang kanilang kaligtasan at kapakanan.