Bong Go

SEN. GO, NABAHALA SA KAKAUNTING NAGPAPA-CHECKUP NG SAKIT

September 6, 2023 People's Tonight 289 views

NAGPAHAYAG ng seryosong pagkabahala si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health sa isang pag-aaral na 40 porsiyento lamang ng mga Pilipino ang taunang sumasailalim sa medical checkup.

Isinagawa mula Agosto 1 hanggang 10 na kinasasangkutan ng 1,205 respondents na may edad 18 hanggang 65, ang pag-aaral ng Capstone-Intel Corp ay nagsiwalat na 33 porsiyento lamang ng Pilipino ang nagpapasuri kapag masama ang pakiramdam, 15 porsiyento ay bihirang gawin ito, 7 porsiyento ang nagpapasuri tuwing dalawa hanggang tatlong taon, at humigit-kumulang 4 porsiyento ang hindi sumasailalim sa anumang medikal na pagsusuri.

“Ang resulta ng pag-aaral na ito ay hindi lamang mga numero. Isang malinaw na salamin ito na nagpapakita ng kasalukuyang kalagayan ng healthcare system sa ating bansa,” sabi ni Go.

“It’s a wake-up call that emphasizes the urgency of strengthening our healthcare system and the need to improve access to primary care, medical consultations and early detection of diseases,” idinagdag niya.

Dahil dito, itinataguyod ni Go ang pagtatayo ng mga Super Health Center upang mailapit sa taongbayan ang mga serbisyo simula sa pangunahing pangangalaga at konsultasyon hanggang sa maagang pagtuklas ng mga sakit. Ang mga SHC na ito ay layong mapalakas ang healthcare sector, partikular sa mga lugar na kulang sa serbisyo.

Bukod sa Super Health Centers, binanggit din ni Go ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers at ang pagsasabatas kamakailan ng Regional Specialty Centers Act.

Pinagsama-sama sa Malasakit Centers ang Department of Social Welfare and Development, DOH, PhilHealth, at Philippine Charity Sweepstakes Office para maging one-stop shop sa pagbibigay ng suporta sa mahihirap na pasyenteng hirap sa gastusin sa ospital.

Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program. Sa ngayon, 158 operational centers na ang nakatulong sa mahigit pitong milyong Pilipino sa buong bansa.

Si Go rin ang principal sponsor at isa sa nag-akda ng ng RA 11959 o ng Regional Specialty Centers (RSC) Act na nilagdaan kamakailan ng Pangulo. Sa pamamagitan ng RSC Act, magtatayo ng mga specialty center sa iba’t ibang rehiyon upang ang mga kailangan ng mga espesyal na serbisyong medikal ay hindi na kailangang bumiyahe sa Manila.

Iminungkahi rin ni Go ang Senate Bill No. 189, na naglalayong magbigay ng libreng taunang medical check-up. Itinataguyod din niya ang espesyal na probisyon sa PhilHealth upang maglaan ng badyet para sa isang komprehensibong pakete ng benepisyo sa outpatient.

“Palagi po natin unahin ang ating kalusugan, dahil ito ang pundasyon ng isang masiglang bansa at masaganang buhay. Tayo pong nasa gobyerno, dapat po palagi tayong one-step ahead para sa ating mga kababayan. Hindi lang po reaksyon sa mga problema ang kailangan, kundi proactive na pagkilos para mapigilan ang mga ito bago pa man mangyari,” ayon kay Go.

AUTHOR PROFILE