Sen. Bong umaming may mga anak sa labas
Bilang isang tunay na lalaki at gentleman, hindi itinanggi ni Sen. Bong Revilla na mayroon siyang “love child” sa ibang babae bukod sa asawang si Rep. Lani Mercado.
Buong tapang itong inamin ng aktor/politiko sa grand mediacon kahapon ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis Season 3.”
Natanong kasi si Sen. Bong ng hypothetical question na “what if dumating ang time na may magpakilala sa kanya na anak niya, ano ang kanyang gagawin?”
Siyempre, aniya, ang una niyang gagawin ay ipapa-DNA test ang bata.
“At kung talagang anak mo siya, dapat, panagutan mo ‘yun,” he said.
Follow-up question ay kung so far, wala pa namang nagpakilalang anak niya.
Napangiti ang aktor/politiko at saglit na inisip ang isasagot.
“Alam ni Lani ‘yun. Meron, meron,” pag-amin niya.
“Makikilala n’yo rin kung sino siya… sila,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Sen. Bong, hindi niya ito itatago dahil unfair ito para sa mga bata.
“‘Pag anak mo, anak mo ‘yun. Dugo mo ‘yun. At hindi ko ikinahihiya ‘yung ganu’n” seryosong wika ng aktor/politiko.
“Bilang isang ama, ayokong magkasakitan ng loob ‘yung mga anak ko, pero maiintindihan naman nila ‘yun. Alam mo na patas ako sa lahat,” aniya.
Samantala, matapos nga ang kanyang Achilles tendon surgery noong Abril, balik-aksyon si Sen. Bong sa Season 3 ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” at nagpapasalamat ang action star na naging napakabilis ng pag-heal ng kanyang operasyon.
Gayunpaman ay hindi na kinaya ng oras na makasali pa siya sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) na okay lang sa kanya dahil mayroon pa namang susunod na taon.
“Swerte ko rin at nakagawa ako ng ‘Walang Matigas Na Pulis…’ Nakita n’yo naman (sa trailer), nakakatalon ako, nakaka-dive ako, nakakatakbo ako, kung ano ‘yung kailangang ipagawa sa akin ng direktor, nagagawa ko,” saad niya.
“Basta nu’ng binigyan ako ng go signal ng doktor ko, ‘you can do anything, you can jump, kung anuman,’ ginagawa ko lahat. Wala akong takot,” sey pa ng Titanic Action Star.
After the operation ay inakala niya na tapos na ang kanyang action career.
“Pero hindi, binigyan pa rin ako ng Panginoong Diyos na makagawa ng magagandang proyektong tulad nito at marami pa,” he said.
Base nga sa trailer ay kitang-kita na all-out na naman ang mga action scene ni Sen. Bong at parang pelikula ang pagkakagawa tulad ng Seasons 1 and 2.
Super-thankful siya sa suporta ng GMA-7 na ibinigay ang lahat ng kailangan para lalong mapaganda ang kanyang weekly series.
Magsisimula na sa Dec. 22 ang “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” Season 3. Kasama pa rin dito si Beauty Gonzalez as his leading lady, Leo Martinez, Jillian Ward, Nino Muhlach, Faith da Silva, Gloria Diaz, Jay
Manalo, Joko Diaz, Sid Lucero, Ryan Eigenmann at marami pang iba.