Bong

Sen. Bong, rumatsada sa Bayanihan Relief Operation

December 9, 2022 Ian F. Fariñas 84 views

HALOS hindi na nagpapahinga si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. dahil sa sunud-sunod na dagok na dumating sa bansa at halos hindi pa nakakaporma ay may kasunod na namang trahedya kaya kabi-kabila rin ang ginawa niyang Bayanihan Relief operations sa mga nasalanta.

“Halos isang buwan na wala tayong pahinga dahil sa walang tigil nating pagresponde at pamamahagi ng tulong at ayuda sa sunud-sunod na kalamidad sa bansa dulot ng sunog, lindol at ang pinakamatindi ay ang pananalasa ng Bagyong Paeng,” ani Revilla.

Nagsimula ang trahedya noong Oktubre 16 ganap na ala 1:50 ng madaling araw nang maglagablab ang malaking bahagi ng Damata Letre, Barangay Tonsuya, Malabon City kung saan 168 pamilya at 608 inidibidwal ang nawalan ng bahay at nagsilikas sa evacuation center.

Hindi pa humuhupa ang usok, agad nang rumesponde si Revilla at naabutan pa ang mga bumbero na binabasa ng tubig ang mga posible pang magsiklab at kasabay noon ay namahagi na ng family food packs, relief pack at cash sa mga nasunugan.

Kasabay nito, humagupit naman ang Bagyong Neneng kaya hindi pa nakapagpapahinga ang senador ay nagtungo naman siya sa Cagayan para sa panibagong Bayanihan Relief operation.

Umabot sa 2,003 pamilya ang naapektuhan habang nasa 6,911 katao naman ang nagsilikas at kasalukuyang nasa evacuation centers.

Sa gitna nang pamamahagi, isang residente ang yumakap kay Revilla at nagsabing siya pa lamang ang senador na dumating sa kanilang lugar.

Ilang araw ding nagpabalik-balik ang grupo ni Sen. Bong sa iba’t ibang bayan na nasalanta.

Kasagsagan ng Bagyong Paeng, nag-umpisa nang umikot si Sen. Bong sa mga lugar na tinatamaan ng mabilis na pagtaas ng tubig. Paghupa ng ulan, agad silang tumakbo sa Kawit at Noveleta, Cavite para personal na mamigay ng tulong sa mga residente.

“Malaki ang ating pasasalamat sa ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) na agad na nagtungo sa lalawigan ng Cavite para pangunahan ang pagpapaabot ng tulong sa mga nasalanta” sabi ni Revilla.

Bahagi pa ng Bayanihan Relief operation ang ilang araw niyang paglusong sa baha sa Brgy. Panapaan 3-4, Brgy. Aniban 2, Brgy. Aniban 3, Brgy. Aniban 4, Brgy. Aniban 5, Brgy. Ligas 2, Brgy. Ligas 3 at Brgy. San Nicolas 1 na pawang sa Bacoor City para magdala ng ayuda.

Nasundan pa ito ng pagdating ni Vice President Sara Duterte na naging katuwang niya sa pamamahagi ng tulong sa General Trias at Imus, Cavite.

Nitong nagdaang Biyernes, sinuyod naman ng aktor-politiko ang mga nasalanta sa ilang barangay sa Zamboanga City.

Ininspeksiyon din niya ang nawasak na floodway sa Brgy. Sta. Maria bilang bahagi ng pagiging chairperson ng Senate Committee on Public Works.

Dumiresto si Sen. Bong sa Barangay Kushong, Datu Odin Sinsuat, Maguindao del Norte para mamigay ng family food packs, relief packs at cash.

Mainit ang naging pagsalubong sa kanya ng mga tao. Isang lola nga ang mas inuna pang pasilin ang kanyang mukha dahil sa panggigigil sa halip na tanggapin ang inaabot niyang food packs at pera.

“Nakakatuwa na bukod sa dala nating tulong sa bawat lugar na ating puntahan ay may mga kababayan tayong nabibigyan pa natin karagdagang kaligayahan dahil sa pagiging artista natin at mahalaga na sa kanila ang saglit na pakikipagkamay, pagyakap at pagpapakuha ng litrato,” kwento ni Sen. Bong.

Pagkagaling sa Sultan Kudarat, panibagong Bayanihan Relief operation ang isinagawa ng grupo sa Aklan kung saan umabot sa 8,182 pamilya at 29,638 ang nasalanta ng bagyo.

Sa Balete, Aklan, pinagkaguluhan din siya sa covered court kung saan isinagawa ang pamamahagi ng family food packs, relief packs at financial assistance.

Isinunod niya ang Antique at isa-isang binisita ang mga bayan ng San Jose, San Remigio, Belison, Hamtic, Patnongon, Sibalom at maging ang mga reservist ng Armed Forces of The Philppines (AFP) at grupo ng mga PWD (People With Disability).

“Kitang-kita natin ang katatagan ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng bayanihan, isang angking katangian ng mga Pinoy, makakaahon din tayo,” pagtatapos ni Sen. Bong.

AUTHOR PROFILE