Revilla

Sen. Bong Revilla namudmod ng tulong sa 10K pamilya sa Maynila

August 1, 2024 Edd Reyes 210 views

IBINIDA ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. ang gagawin niyang pagtutok para tuluyang maisaayos ang master plan ng flood control, hindi lamang sa National Capital Region (NCR) kundi sa lahat ng panig ng bansa lalu na’t dito nakatutok ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Inihayag ito ng Senador sa kanyang pagbisita sa Lungsod ng Maynila, Huwebes ng hapon, upang samahan sina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Asuncion “Re” Fugoso sa pamamahagi ng inilaan niyang pondo sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Sen. Revilla, bilang Chairman ng Committee on Public Works ng Senado, makakaasa si Mayor Lacuna na kasali sila sa pabalik-balik na problema ng pagbaha sa Maynila na noon pa aniyang araw nangyayari kaya ito aniya ay hinahanapan nila ng solusyon sa kanyang ginagawang pagdinig sa Senado, kasama ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nagpasalamat naman ni Mayor Honey Lacuna kay Sen. Revilla sa agarang pagtugon nang tumawag siya sa mambabatas upang humiling ng ayuda sa kanyang mga kababayang nasalanta ng nagdaang kalamidad.

Umabot sa kabuuang 10,000 benipisyaryo mula sa ika-3, ika-5 at ika-6 na Distrito ng lungsod ang nabigyan ng tig-P2,000 pinansiyal na tulong, kabilang dito ang mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha, mga barangay tanod, mga nasunugan, at mga barangay nutrition scholars na ayon sa alkalde ay madalas na nakakalimutan.

Tiniyak naman ni Sen. Revilla na hindi niya pababayaan ang mga Manilenyo sa oras ng pangangailangan dahil ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng mga ito, hindi lamang kay Mayor Lacuna, kundi pati na rin sa kanya.

AUTHOR PROFILE