BBM2

Sen. Bong pinuri si PBBM sa pag-apruba sa Revilla Law

February 26, 2024 Ian F. Fariñas 114 views

PINURI ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (PBBM) makaraan nitong lagdaan ang panukalang batas ng senador na mas kilala sa tawag na “Revilla Law” sa isang seremonya kahapon na isinagawa sa Palasyo ng Malakanyang.

Ang naturang batas ay magbibigay ng benepisyo sa mga Pinoy na octogenarian at nonagenarian, bukod sa centenarian na kasalukuyan nang nakakatanggap ng cash gift.

Si Sen. Bong ang principal author ng batas na ito, kung saan ang pinagmulan nitong panukala ay kanyang una at prayoridad na inihain sa kasalukuyang Kongreso.

“Taos-puso ko pong pinapupurihan at pinasasalamatan ang ating Pangulong Bongbong Marcos sa pagsasabatas ng ating pangunahing panukala upang amyendahan ang Centenarians Law. Ang matagal na nating ipinapaglaban para sa ating mga lolo at lola ay tuluyan na nating napagtagumpayan,” saad ng aktor-politiko.

“This was my promise to the Filipino elders and I’m proud to say that I fulfilled it. Sa wakas ay makakasama na rin sa mga mabibigyan ng benepisyo ‘yung iba pa sa kanila, hindi lamang ‘yung mga aabot ng isang daan taong gulang,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng tinatawag na Revilla Law bilang pagbibigay-pugay kay Sen. Revilla na ipinaglaban na maipasa ang batas na ito, ang matatandang Pilipino na aabot sa mga edad na 80, 85, 90 at 95 ay makakatanggap na rin ng halagang P10,000 habang ang mga aabot naman sa edad na 100 ay patuloy na makakatanggap ng P100,000.

Ipinaliwanag ni Sen. Bong na ang hangarin ng bagong batas na ito ay mapaaga ang pagbibigay ng benepisyo sa mga lolo at lola.

“Layon po ng batas na ito na mapaaga ang pagbibigay natin ng benepisyo para sa ating mga lolo at lola. Hindi na nila kinakailangan pang umabot ng 100 taong gulang para lamang makatanggap ng cash gift galing sa ating pamahalaan. 80 pa lang, bibigyan na natin sila agad. Pagdating ng 85, 90, at 95, bibigyan ulit natin sila. At kung ipagkaloob ng Panginoon na sila ay umabot ng isang daang taon, bibigyan natin sila ng mas malaking halaga bilang pagkilala sa kanilang narating,” saad niya.

“Sabi nga, aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo? Kaya hangga’t sila ay nabubuhay pa, iparamdam na natin sa kanila ang pagpapahalaga at pagmamahal ng gobyernong ito. At ‘yan ay sa pamamagitan ng maagang pagbibigay ng inaasam-asam nilang pinansyal na regalo. Malaking bagay iyon para sa kanila lalo na’t may mga pangangailangan din sila at gastos para sa gamot, vitamins, supplement, pagkain at iba pa,” dagdag ng batikang senador.

Para maging mas epektibo ang pagpapatupad ng naturang batas, itinakda rin sa batas ang pagkakaroon ng Elderly Data Management System na pamamahalaan ng National Commission on Senior Citizens upang matiyak na ang mga kuwalipikadong mga benepisyaryo ay makakuha talaga ang cash gift na nararapat lang nilang matanggap.

“Kasama sa batas natin ang pagtatatag ng database para masiguro na wala tayong makakalimutan abutan ng benepisyo. With all the things our elders have done for our country, we should assure that they will receive all the honor and benefits they deserve,” paliwanag ni Sen. Bong.

Nabatid na una niyang isinumite ang naturang panukala sa pagsisimula pa lamang ng 18th Congress noong 2019 ngunit ngayon lamang ito naging isang ganap na batas.

“Sabi nga ng isang salawikain ay ‘Sa hinaba-haba ng prusisyon ay sa simbahan din ang tuloy.’ Noon ko pa ‘to ipinapaglaban. Priority bill ko na ito noong 18th Congress pa lang. And now, after a long and arduous battle for the welfare of our lolos and lolas, it is with beaming pride to say that we have won the fight.”

Sinigurado rin ni Sen. Bong na patuloy niyang ipinapaglaban ang kapakanan ng mga nakakatanda at hindi iyon natatapos sa pagkakapasa ng bagong batas. Katunayan, inihain rin niya ang SBN 262 o “Abot-Kayang Gamot, Bitamina at Gatas para sa Malusog na Senior Citizen Act” na layong palawigin ang sakop ng diskwento para sa mga senior citizens para maisama na ang mga supplement, bitamina, herbal products at formulated milk sa mga pwedeng patawan ng discount.

Bukod dito, inihain rin niya ang SBN 1573 na naglalayong ibaba ang edad na saklaw sa “Expanded Senior Citizens Act” sa pamamagitan ng pagbababa mula 60 patungo sa 56 taong gulang.

“Hindi dito matatapos ang pagpupursigi natin para mas mabigyan pa ng pagpapahalaga, pagkilala at pagmamahal ang ating mga lolo at lola. Marami pa tayong panukala na isusulong para maipasa. Simula pa lang ito ng bagong laban – laban para sa tuluy-tuloy na pag-angat ng kanilang kapakanan,” pagtatapos ng aktor-politiko.

AUTHOR PROFILE