Sen. Bong naniniwala kay Sandro
Diretsong sinabi ni Sen. Bong Revilla na naniniwala siya na nagsasabi ng totoo si Sandro Muhlach hinggil sa sexual harassment na ibinibintang nito sa dalawang GMA “independent contractors” na sina Jojo Nones at Richard Cruz.
Ito ay matapos itanggi nina Nones at Cruz ang akusasyon sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media nitong August 12.
Bahagi ng kanilang pahayag, “Hindi po kami gumawa ng anumang sexual harassment or abuse laban kay Sandro Muhlach.”
Tanong ni Sen. Bong, “So, Jojo, ibig mong sabihin, nagsisinungaling si Sandro?”
Sagot naman ni Nones, “I cannot speak po for Sandro Muhlach, your honor.”
Sabi ulit ni Sen. Bong, “Kasi, I saw him personally the next day. The guy is really shaking. Masyadong apektado siya. Talagang na-trauma ‘yung bata, eh. So, kung ‘yung bata, ganu’n ang reaksyon, me, personally, nakita ng dalawang mata ko.”
Dagdag pa niya kay Nones, “ikaw, kilala din kita, kasama ka namin sa project. But ang sa akin lang, siyempre du’n lang tayo maninindigan sa tama. Dahil it’s so unfair. Si Nino pa. You know Nino, ‘di ba?”
Gayunpaman ay ipauubaya na raw ni Sen. Bong sa komite ang desisyon tungkol dito.
“So, we leave it to the committee kung anuman ‘yung magiging desisyon ninyo. Basta tandaan ninyo, hindi kami namemersonal dito. ’Yung sa atin lang, in aid of legislation, para ma-avoid natin at maiwasan na ‘yung mga ganyang pangyayari,” saad ng aktor/politiko.
“Pero sa totoo lang, me, personally, nakita ko ‘yung bata. Nanginginig siya. Sa mata ko, totoo ‘yung sinasabi niya,” pagtatapos ni Sen. Bong.