Bong

SEN. BONG, NAGPUGAY KAY MANG RAMON

August 19, 2023 Ian F. Fariñas 207 views

HINDI nakalimutan ni Sen. Bong Revilla na magbigay-pugay sa amang si dating Senator Ramon Revilla Sr. na aniya ay naging gabay niya mula sa pagpasok sa showbiz hanggang sa pagsabak sa pulitika.

Sa selebrasyon ng kanyang 50th anniversary sa industriya ngayong Agosto at sa nalalapit niyang 57th birthday sa September 25, inalala ng aktor-politiko ang malaki at importanteng papel na ginampanan ng ama sa kanyang tagumpay.

Ani Sen. Bong, “Ang Daddy ko mismo ang naging mentor ko, hindi lang sa paggawa ng pelikula, kundi maging sa pag-arte. Siya mismo ang humubog sa akin hanggang sa aking paglaki kaya maging ang pagpalaot niya sa pulitika ay namana ko rin.”

Abala man sa trabaho sa Senado, nabibigyan pa rin ni Sen. Bong ng oras ang pag-arte sa pelikula’t telebisyon.

Katunayan, finale episode na ngayong Linggo, August 20, ng patok na sitcom niyang Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis kasama si Beauty Gonzalez sa Kapuso channel.

Linggu-linggo itong napanood tuwing alas 7:15 ng gabi.

Ngayon pa lang, ani Sen. Bong, dapat nang abangan ang Season 2 ng show na pinaplantsa na ng network bosses.

Consistent kasi ang mataas na rating ng sitcom kaya naman may plano umano na gawin itong araw-araw, kaya abangan!

AUTHOR PROFILE