BBM

Sen. Bong nagpasalamat kay PBBM dahil sa pag-apruba sa Revilla Law

February 26, 2024 Eugene E. Asis 85 views

BBM1PINURI ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) makaraang lagdaan nito ang panukalang batas ng senador na mas kilala sa tawag na Revilla Law sa isang seremonya noong nakaraang Lunes (Pebrero 26) na isinagawa sa Palasyo ng Malakanyang. Ang naturang batas ay magbibigay ng benepisyo sa mga Pinoy na octogenarian at nonagenarian, bukod sa centenarian na kasalukuyan nang nakakatanggap ng cash gift. Si Revilla ang principal author ng batas na ito, kung saan ang pinagmulan nitong panukala ay kanyang una at prayoridad na inihain sa kasalukuyang Kongreso.

“Taos-puso ko pong pinapupurihan at pinasasalamatan ang ating Pangulong Bongbong Marcos sa pagsasabatas ng ating pangunahing panukala upang amyendahan ang Centenarians Law. Ang matagal na nating ipinapaglaban para sa ating mga lolo at lola ay tuluyan na nating napagtagumpayan!,” saad ni Revilla. “This was my promise to the Filipino elders and I’m proud to say that I fulfilled it. Sa wakas ay makakasama na rin sa mga mabibigyan ng benepisyo yung iba pa sa kanila, hindi lamang yung mga aabot ng isang daan taong gulang,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng tinatawag na Revilla Law bilang pagbibigay pugay kay Sen. Revilla na ipinaglaban na maipasa ang batas na ito, ang mga matatandang Pilipino na sa aabot sa mga edad na 80, 85, 90 at 95 ay makakatanggap na rin ng halagang P10,000 habang ang mga aabot naman sa edad na 100 ay patuloy na makakatanggap ng P100,000. Ipinaliwanag ni Revilla ang hangarin ng bagong batas na ito na nagnanaiis mapaaga ang pagbibigay ng benepisyo sa mga lolo at lola. “Layon po ng batas na ito na mapaaga ang pagbibigay natin ng benepisyo para sa ating mga lolo at lola. Hindi na nila kinakailangan pang umabot ng 100 taong gulang para lamang makatanggap ng cash gift galing sa ating pamahalaan. 80 pa lang, bibigyan na natin sila agad. Pagdating ng 85, 90, at 95, bibigyan ulit natin sila. At kung ipagkaloob ng Panginoon na sila ay umabot ng isang daang taon, bibigyan natin sila ng mas malaking halaga bilang pagkilala sa kanilang narating,” saad niya. “Sabi nga, aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo. Kaya hangga’t sila ay nabubuhay pa, iparamdam na natin sa kanila ang pagpapahalaga at pagmamahal ng gobyernong ito. At yan ay sa pamamagitan ng maagang pagbibigay ng inaasam-asam nilang pinansyal na regalo. Malaking bagay iyon para sa kanila lalo na’t may mga pangangailangan din sila at gastos para sa gamot, vitamins, supplement, pagkain at iba pa,” dagdag ng batikang senador.

Para maging mas epektibo ang pagpapatupad ng naturang batas, itinakda rin sa batas ang pagkakaroon ng Elderly Data Management System na pamamahalaan ng National Commission on Senior Citizens upang matiyak na ang mga kuwalipikadong mga benepisyaryo ay makakuha talaga ang cash gift na nararapat lang nilang matanggap. “Kasama sa batas natin ang pagtatatag ng database para masiguro na wala tayong makakalimutan abutan ng benepisyo. With all the things our elders have done for our country, we should assure that they will receive all the honor and benefits they deserve,” paliwanag ni Revilla . “Hindi dito matatapos ang pagpupursigi natin para mas mabigyan pa ng pagpapahalaga, pagkilala, at pagmamahal ang ating mga lolo at lola. Marami pa tayong panukala na isusulong para maipasa. Simula pa lang ito ng bagong laban – laban para sa tuloy-tuloy na pag-angat ng kanilang kapakanan,” pagwawakas ni Revilla.

AUTHOR PROFILE