Sen. Bong naghain ng resolusyon ng pagkilala kay Mother Lily
PARA nang isang malawak na funeral wreath shop ang kabuuan ng 38 Valencia Events Place, QC sa ikatlong gabi ng wake ng Regal Films producer na si Mother Lily Monteverde nitong Miyerkules.
Mula gate hanggang sa bawat kanto’t kasuluk-sulukan ng dating pre-school ng Monteverde matriarch, tambak ang naggagandahang floral arrangements mula sa mga artista, producer, director, politiko, atbp.
Parang malapit na nitong kabugin ang hilera ng mga tindahang nagbebenta ng korona ng patay sa kahabaan ng Araneta Ave., Dimasalang at Laong Laan sa Maynila, eh.
Ang ilang wreaths, kasing kulay pa ng naging buhay at karera ng yumaong lady produ.
Star-studded din ang bawat gabi sa pakikiramay ng mga kaibigan ng pamilya’t mga natulungan ni Mother sa loob at labas ng industriya.
Nariyan ang OG Regal Babies tulad nina Maricel Soriano, Snooky Serna, Dina Bonnevie, Aiko Melendez, Nadia Montenegro, Jean Garcia, Senator Bong Revilla Jr., Congw. Lani Mercado, dating Senador Kiko Pangilinan at Antonio Trillanes, Manilyn Reynes, Janella Salvador, Ryan Bang at marami pang iba.
Maging si Niño Muhlach, ama ng kontrobersyal Sparkle artist na si Sandro Muhlach, nagpugay din sa lady produ matapos humarap sa Senate hearing kaugnay ng reklamong isinampa ng anak laban as dalawang GMA “independent contractors” na sina Jojo Nones at Richard Dode Cruz.
Umaapaw din ang wake sa mga pagkain at inuming padala ng mga negosyanteng kaibigan ni Mother tulad nina Robina at Ervin Lee ng Universal Robina Corporation (URC), George at Christine Yang ng McDonald’s Philippines, Irene Tan ng Asia Brewery, Taguig Mayor Lani Cayetano at marami pang iba.
Isa lang ang ibig sabihin ng gabi-gabing eksena sa Valencia: Na marami ang nagmamahal at nagpapahalaga sa kontribusyon ni Mother sa iba’t ibang larangan noong nabubuhay pa.
Katunayan, naghain kamakailan si Sen. Bong ng Senate Resolution No. 1099 na nagbibigay-karangalan kay Mother bilang isang tunay na haligi ng showbiz industry.
Anang senador, “Siya ay tunay na haligi ng entertainment industry na nagbigay-oportunidad sa mga artista, direktor at manunulat na maipakita ang kanilang angking husay at talento — na siyang nagpayabong sa pelikulang Pilipino.
“Kaya naman nararapat lamang bigyang-pagkilala ang kanyang ‘di matatawarang kontribusyon sa sining at kultura ng ating bansa.”
Ngayong Biyernes, August 9, ang huling gabi ng wake ni Mother Lily.
Bukas, Sabado, sa Heritage Park, Taguig City siya nakatakdang ilibing sa tabi ng mister na si Father Remy Monteverde, na naunang pumanaw noong July 29.