Bong

Sen. Bong, may nilulutong malaking proyekto

February 1, 2023 Ian F. Fariñas 378 views

TUWANG-tuwa si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. matapos parangalan ang pinagbidahan niyang teleserye na Agimat ng Agila na ilang panahon ding namayagpag sa rating dahil sa pagsubaybay ng marami niyang tagahanga.

Isa ang Agimat ng Agila sa mga nanalo sa 35th Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club, Inc. (PMPC) nitong nakaraang Sabado ng gabi, Enero 28.

Isa ito sa maraming awards na nakopo ng GMA-7.

Dahil hindi binitawan ng mga tagasubaybay ang Agimat ng Agila mula umpisa hanggang natapos, nagawaran ito ng Best Drama Mini-Series.

Ginanap ang awards night kamakailan sa grand ballroom ng Windford Manila Resort and Casino, Maynila, sa pamumuno ng pangulo ng PMPC, Fernan de Guzman.

Nagwagi ang GMA-7 bilang Best TV Station. Natamo nito ang 27 awards sa 48 na categories.

“Napakahalaga ng mga ganitong award dahil ito ang nagbibigay-sigla sa atin para lalong sipaging magtrabaho. Ang mga ganitong pagkilala’y labis nating pinasasalamatan,” saad ni Sen. Bong.

Marami ang nasiyahan, nanabik, sumubaybay at nabitin sa dalawang season ng Agimat ng Agila.

Tikom ang bibig ni Sen. Bong tungkol sa kanilang bagong proyekto, pero marami na’ng nag-aabang dito.

“Hindi mini-series kundi isang malaking produksiyon ang aming inihahanda. Mahirap magbigay ng detalye sa ngayon pero, malay n’yo, baka araw-araw n’yo na kaming mapapanood. Abangan na lang ninyo,” sabay tawa ng aktor-senador.

AUTHOR PROFILE