Revilla

Sen. Bong: Eddie Garcia Law dapat i-revisit

March 1, 2025 Vinia Vivar 134 views

Sa pagsabak ni Sen. Bong Revilla sa pukpukang kampanya para sa darating na mid-term elections this May, muling humarap ang aktor/politiko sa entertainment press kahapon na siyang kinagawian niya tuwing may hinaharap siyang bagong laban o proyekto.

“Sa totoo lang, si Bong Revilla, ang takbuhan palagi, kayo,” simula ng aktor-politiko.

“Mas malapit kayo sa puso ni Bong Revilla. Dahil ‘yung mga nakaraan no’n, ‘yung time na mga pagsubok na dumarating sa ‘kin, nagkaroon ako ng phobia sa media.

“Pero kayo lang ang tinakbuhan ko dahil kayo lang ang nakakapagsabi ng totoong side ni Bong Revilla,” patuloy niya.

“Sa dami ng pinagdaanan ko sa buhay, kumbaga, ‘eto ngayon tayo, nahaharap na naman tayo sa panibagong pagsubok, pagtakbong muli para sa ating mga kababayan bilang senador,” saad pa ng reelectionist.

Sa 52 years ni Sen. Bong sa showbiz at 30 years naman sa public service ay marami siyang naimbag at naitulong hindi lang sa bansa kundi maging movie industry na hindi naman talaga nakakalimutan ng mga taga-industriya.

Matatandaang si Sen. Bong ang nag-file ng Eddie Garcia Bill na ngayon ay ipinapatupad na sa industriya. Siya rin ang author ng amusement tax reduction sa mga pelikula na from 30% ay naging 20% na lang ito.

Bukod dito ang walang sawa niyang pagtulong sa mga taga-industriya tuwing may nangangailangan ng kanyang tulong.

‘Yun nga lang, nakarating din kay Sen. Bong na may mga nagre-react ng movie producers sa Eddie Garcia Law at sinasabing sila ang naapektuhan sa nasabing batas.

“I think, we have to revisit the law again at tingnan natin. We should have a dialogue again with the producers and the actors. Dahil ang nangyayari, ‘yung mga seniors, ‘yung iba, hindi na talaga kinukuha ng producers.

“’Yung mga bata, nawawala na rin. Wala na ring nakikitang mga bata ngayon sa telebisyon. Kung meron man, magsu-shoot sila for two or four hours and then they pack up.

“Pagka ganu’n, wala na tayong sisikat na bata. Wala nang Nino Muhlach. ‘Yung ganu’n. Paano tayo makakapag-develop ng mga batang Nino Muhlach ulit kung ganu’n ang working hours?

“I think, we have to revisit again the law, pag-aralang mabuti,” saad ng senador.

Samantala, isa rin sa mga natanong kay Sen. Bong kung wala ba siyang planong tumakbong Presidente sa 2028 presidential elections at sunod-sunod na iling ang isinagot ng aktor/politiko.

“Nakulong na ako dahil diyan sa mga ganyan. Ayaw ko niyan. Sa kanila na ‘yun. Makatulong lang tayo dito bilang senador, okay na ‘yun. Ayoko. Sa kanila na ‘yan,” ang matigas niyang pagtanggi.

Nilinaw din niya ang fake news na siya umano ang papalit kay Vice President Sara Duterte kung mai-impeach ito.

“May lumabas, ’di ba? Pinaputok nila sa social media, pagka na-impeach daw si Inday Sara, ako ang papalit. That’s fake news. That will never happen. ‘Yung parang ako ‘yung papalit. Hindi ako ganu’ng klaseng tao. Hindi. No,” ang paglilinaw ni Sen. Bong.

“Saka wala po akong ambisyon diyan, wala na. Maybe noon, nangarap ako, but no more,” ang matigas na pahayag ng senador.

AUTHOR PROFILE