
Sen. Bong, dinumog ng OFWs sa Singapore
UMAPAW ang sigawan, mahigpit na yakapan at matatamis na ngiti sa lansangan ng Singapore nang mainit na salubungin si Senador Ramon Bong Revilla Jr. ng overseas Filipino workers (OFWs) sa kanyang pagbisita sa Lion City kamakailan.
Personal silang binisita ng aktor-politiko para kumustahin ang kanilang kalagayan at talakayin ang kanyang mga panukalang batas at adbokasiya.
Dumagsa naman ang mga Pilipino para makita at makilala nang personal si Sen. Bong. Ang iba, nakipagkamay, yumakap at nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat sa pagbisita niya at sa walang sawang pagsuporta sa OFWs.
“Ang mga sakripisyo ng ating mga OFW ay hindi matutumbasan. Ang kanilang pagsisikap ay nagsisilbing pundasyon ng pag-unlad ng ating bayan — sila ang tunay na makabagong bayani. Narito tayo hindi lang upang makasama sila kundi upang mas mapakinggan pa ang kanilang pangangailangan at tiyakin na may gobyernong nagmamalasakit sa kanila,” anang senador.
Nitong Sabado, nakipag-meeting si Sen. Bong sa lider ng iba’t ibang organisasyong Pilipino doon para ikonsulta at ibahagi ang mga inisyatiba niya sa Senado.
Ibinahagi rin niya ang patuloy niyang pakikipaglaban para sa karapatan at kapakanan ng mga OFW. Si Sen. Bong ay isa sa mga may-akda ng RA 10002 o ang “Migrant and Overseas Filipinos Act of 2009,” na naglalayong bigyan ng mas matibay na proteksyon ang OFWs na naghahanap ng mas magandang oportunidad abroad.
Isa rin siya sa mga may akda ng RA 11641, na lumikha sa Department of Migrant Workers.
Inihain na rin niya ang SBN 1512 o ang “Bagong Bayani Ward Act” para tiyakin na ang mga pampublikong ospital ay magkakaroon ng ward para sa OFWs. Nariyan din ang SBN 985, na poprotekta sa remittances laban sa mga mapagsamantala.
Sa ilalim naman ng SBN 265 o ang “Overseas Filipino Workers Credit Assistance,” gusto ni Sen. Bong na magkaroon ng pautang na may mababang interes para sa OFWs. Sa SBN 1280, gagawing libre, sa ilalim ng PhilHealth, ang mga diagnostic, laboratory at iba pang pagsusuring kinakailangan para sa OFW employment.
Nagdaos din ang senador ng biglaang meet-and-greet sa Lucky Plaza Mall sa Orchard Road, kung saan mainit siyang sinalubong ng mga Pinoy supporters.
“Napakasarap na madama ang pagmamahal at suporta ng ating mga kababayan dito sa Singapore. Lalo nitong pinatatatag ang aking paninindigan na patuloy na pagsilbihan at ipaglaban ang kapakanan ng ating mga kababayan, saan mang panig ng mundo,” anang aktor/politiko.