Default Thumbnail

Seller ng pekeng piyesa ng motorsiklo, timbog sa SMaRT

November 29, 2022 Edd Reyes 224 views

PINAPURIHAN nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Manila Police Disrrict (MPD) Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon ang operatiba ng Special Mayor’s Action Team (SMaRT) sa pagkakadakip sa babaeng Chinese national at helper na Pinoy na sangkot sa pagbebenta ng pekeng piyesa at accessories ng motorsiklo sa Tondo, Maynila.

Ang pagkakadakip sa negosyanteng suspek at sa helper ay nag-ugat sa reklamo ni Wilmar Ramirez, Control Officer at Intellectual Property Officer ng JRP Thailand Motorcycle Parts and Accessories Store laban sa isang trading store na nasa ikalimang palapag ng Parking Area ng Dragon 8 Shopping Mall sa kanto ng C. M. Recto Ave. at Dagupan Street sa Divisoria na umano’y nagbebenta ng pineke nilang produkto mula sa Thailand.

Matapos maberipika ang reklamo, nag-apply ng search warrant si SMaRT chief P/Maj. Edward Samonte sa sala ni Presiding Judge Philip Charles Santos ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 45 upang mapasok ang naturang establisimiento.

Dakong alas-4:30 ng hapon nito lamang Biyernes nang isilbi nina Maj. Samonte at mga tauhan ang inilabas na search warrant laban sa naturang motorcycle parts and accessories trading store na nagresulta sa pagkakadakip sa Chinese national, residente ng Binondo at kanyang helper, ng Caloocan City.

Nakumpiska ng grupo ng SMaRT ang iba’t-ibang peke umanong accessories na tinatayang aabot sa halagang P100,000 sa loob ng naturang establisyimento.

Ayon kay Samonte, ang mga nadakip ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 155 (trademark infringement) at Section 168 (unfair competition) ng Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines at kasalukuyan pa ring nasa kustodiya ng kanilang tanggapan.

AUTHOR PROFILE