Lacuna Pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan at MPD (Manila Police District) Director P/Brig. Gen. Leo Francisco ang pagpupugay at pag-alay ng mga bulaklak sa rebulto ni Rajah Sulayman sa Malate bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-451 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Lungsod ng Maynila o “Araw ng Maynila”, Hunyo 24, 2022. Kuha ni Jon-Jon Reyes

Selebrasyon ng ika-451 anibersaryo ng ‘Araw ng Maynila’ makasaysayan

June 24, 2022 Edd Reyes 322 views

NAGING “makasaysayan” ang pagdiriwang ng ika-451 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Lungsod ng Maynila na pinangunahan kahapon, araw ng Biyernes, nina outgoing Mayor Isko Moreno Domagoso at Mayor-elect Sheila Marie “Honey” Lacuna-Pangan.

Naging tampok sa isang linggong selebrasyon ang kauna-unahang “Nilad Festival 2022” na nasimulan ng malaking job fair noong Lunes na ginanap sa Arroceros Forest Park sa Ermita na nilahukan ng may 70 pribadong kompanya na nag-alok ng may 15,000 trabaho sa mga Manileño.

Nanguna rin sina Mayor Isko at Vice Mayor Honey sa pagkakaloob ng pagkilala sa mga tinaguriang “Outstanding Manilans” na nagpamalas ng kanilang kakaibang husay at galing sa kani-anilang larangan na isinagawa Huwebes ng gabi sa Metropolitan Theater.

Sa naturang okasyon, nagpahayag ng tapat na pasasalamat si Mayor Isko sa buong miyembro ng Sangguniang Panlungsod, sa pangunguna ng presiding officer na si Vice Mayor Lacuna, bunga ng “pagkilala” sa kanyang mga nagawa sa loob ng maikling panahon sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanya ng plake ng pagkilala.

“I’m really grateful and honored with the recognition that the city council gave me tonight. Hindi ko magagawa ang lahat ng ating nagawa para sa Lungsod ng Maynila kung wala kayo. Muli, congratulations sa lahat na kinilala bilang Outstanding Manilans,” pahayag ng alkalde sa kanyang mensahe.

Sa mismong araw ng selebrasyon nitong Biyernes, ilang mga aktibidad, na sinimulan ng pag-aalay ng bulaklak sa Plaza Rajah Sulayman at San Agustin Church nina Mayor Isko at Vice Mayor Honey ang isinagawa na sinundan ng unang Nilad Festival 2022 at parada ng mga “float” na nilahukan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan mula sa 13 departamento.

Naging makulay din ang ginanap na street dancing competition na nilahukan naman ng magagaling na Manileño mula sa anim na distrito ng lungsod, pati na ang pagsasagawa ng iba’t-ibang uri ng palakasan at ang pormal na pagbubukas ng Bagong Ospital ng Maynila.

Ito na ang huling selebrasyon ng “Araw ng Maynila” na dadaluhan ni Mayor Isko bilang alkalde ng lungsod dahil sa Hunyo 30, 2022 ay mauupo na bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila si Mayor-elect Honey Lacuna-Pangan.

AUTHOR PROFILE