Sekyu sugatan sa pananaksak dahil sa ‘selos’

October 31, 2022 Edd Reyes 101 views

SUGATAN ang isang security guard matapos undayan ng saksak ng 23-anyos na lalaking kinompronta at pinaghinalaan niyang “karelasyon” umano ng kanyang kinakasama Linggo ng hapon sa Malabon City.

Nakahingi pa ng tulong sa mga barangay tanod at pulisya ang biktimang sekyu ng Damata Letre, Barangay Tonsuya kaya’t nadakip kaagad ang suspek na residente ng Gozon Compound, Letre at nabawi pa sa kanya ang ginamit na patalim.

Sa isinumiteng ulat ni P/SStgt. Jeric Tindugan kay Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, dakong alas-4:40 ng hapon nang komprontahin ng biktima ang suspek sa kahabaan ng Kadima Letre dahil sa “selos” at hinalang karelasyon ng lalaki diumano ang kanyang live-in partner.

Itinanggi ng suspek ang bintang na nagresulta sa kanilang mainitang pagtatalo hanggang magpasiya na lamang umalis sa lugar ang sekyu subalit dito na bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima bago mabilis na nagtatakbong tumakas.

Nasa maayos ng kalagayan sa pinagdalhang pagamutan ang biktima habang sasampahan naman ng kasong frustrated homicide ng pulisya ang suspek sa piskalya ng Lungsod ng Malabon.

AUTHOR PROFILE