Default Thumbnail

Sekyu sinaksak ng obrero sa Malabon

January 29, 2022 Edd Reyes 280 views

HINALIHAW ng saksak ng isang factory worker ang isang security guard na pinagbintangang sumita sa kanya Biyernes ng madaling araw sa Malabon City.

Nahagip ng saksak sa kanyang kanang pulso ang biktimang si Raffy Diamos 28, residente ng 188 Ramon Delfin St. Brgy Marulas, Valenzuela City matapos sugurin ng suspek na si Henry Marquez, 41, ng 15 Inda Maria St. Brgy. Potrero, Malabon City matapos pagbintangan na sumita sa kanya dakong alas 12:30 ng madaling araw.

Sa ulat na isinumite ni P/SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, nasa harap ng binabantayang establisimiento sa Inda Maria St. Brgy. Potrero si Diamos nang lapitan ng suspek at tanungin ng katagang “Ikaw ba yung nagsita sa akin?” sabay bunot ng patalim ang hinalihaw ng saksak ang biktima.

Masuwerteng sa kanang pulso lamang nahagip ang biktima kaya’t nagawa niyang makatakbo at makahingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Nakuha rin ng mga umarestong pulis sa suspek ang ginamit na patalim sa pananaksak habang nalapatan naman kaagad ng lunas ang tama ng saksak ng biktima sa pinakamalapit na pagamutan.

Nahaharap sa kasong tangkang pagpatay ang suspek at paglabag sa Omnibus Election Code sanhi ng nakumpiska sa kanyang patalim sa piskalya ng Malabon.

AUTHOR PROFILE